‘Suicide bombers’ ng ASG tiklo sa mga otoridad

‘Suicide bombers’ ng ASG tiklo sa mga otoridad

MANILA — Siyam na potensiyal na suicide bombers na may kaugnayan sa Abu Sayyaf ang naaresto sa magkakahiwalay na operasyon ng Joint Task Force–Sulu (JTF-Sulu).

Sa isang pahayag, sinabi ng JTF-Sulu na ang operasyon ay isinagawa ng kanilang mga tauhan sa tulong ng Philippine National Police (PNP).

Ayon kay JTF-Sulu Commander Major General William Gonzales, kabilang sa mga naaresto ang mga anak ng yumaong Abu Sayyaf leader na si Hatib Hajan Sawadjaan na kinilalan sinaIsara Jalmaani Abduhajan, 36; Jedah Abduhajan Amin, 28; at Elena Tasum Sawadjaan-Abun, 40.

Habang isinisilbi ang arrest warrants para sa tatlo sa Barangay Bangkal sa Patikul, nakakumpiska ang otoridad ng ilang parte ng improvised explosive device (IED) mula kina Isara at Jedah.

Sa Barangay Latih, nahuli naman ang biyuda ni Abu Sayyaf sub-leader Mannul Said na si Firdauzia Said.

Sa Barangay Tulay sa Jolo, nahuli ng JTF-Sulu ang mga potensiyal na suicide bombers kabilang sina Nudsza Ismanu Aslun, biyuda ni Abu Sayyaf member Alias Jabar, at Nurshahada A. Isnain, asawa ni Abu Sayyaf member Alias Akram.

Naaresto rin sina Linda Darun Maruji, Risa Jhalil, at Sharifa Rajani.

Nasamsam din ng JTF-Sulu ang ilang bahagi ng IED tulad ng switch, battery, tubo, concrete nails, blasting cap, ammonium nitrate fuel oil (ANFO) at detonating cord.(AI/FC/MTVN)

Leave a Reply