56 wanted persons nalambat habang kumukuha ng police clearance

56 wanted persons nalambat habang kumukuha ng police clearance

Ni Arwen Pascua

MANILA — Limampu’t anim na katao na nag-aaply para maisyuhan ng police clearance ang agad inaresto ng Philippine National Police (PNP) makaraang biglang madiskubre na pawang mga wanted at may kinakaharap na kaso ang mga ito sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Ayon kay PNP Chief, Gen. Debold Sinas, malaki ang nagiging tulong ng kanilang National Police Clearance Desk sa iba’t ibang bahagi ng bansa dahil agad nadarakip ang mga wanted o mga taong may mga kaso na pinaghahanap ng batas.

Sa katunayan, aniya noong isang taon ay nakaaresto sila ng 55 wanted person dahil lamang sa pagkuha ng police clearance habang isa ngayong Pebrero.

Paliwanag ni Sinas, sa National Police Clearance ay may kumpletong listahan at larawan ng mga pinaghahanap ng batas kung saan naroon ang kanilang buong pangalan, address, criminal case number at maging ang kanilang finger print.

“Kapag kumuha ng police clearance at na-encode ang kanilang pangalan, agad magre-red iyon, subalit hindi basta agad dadakpin, mayroong programa sa computer kung sila nga iyon o kapangalan,” paliwanag ni Sinas.

Sinabi naman ni Directorate for Investigation and Detective Management Director, MGen. Marni Marcos Jr., noong isang linggo ay isa pa ang kanilang naaresto habang kumukuha ng police clearance sa Ormoc, Leyte na nangangahulugan na 56 na ang kanilang nadakip sa pamamagitan ng police clearance mula 2020 hanggang ngayong Pebrero.

“Dagdag ko lang po, bale 56 na ang naaresto sa pamamagitan ng pagkuha ng police clearance, noong Biyernes, Pebrero 19, isa po ang naaresto namin sa Ormoc, pero taga- Bulacan siya, at iyon ang kagandaan ng aming bagong data system sa pag-isyu ng police clearance dahil kahit saang magtago ang isang tao kapag kumuha ng clearance ay madadakip namin sila,” ayon pa kay Marcos. (IA/MTVN)

Leave a Reply