COVID-19 update: 1,557 bagong kaso, 392 recoveries ngayong araw

COVID-19 update: 1,557 bagong kaso, 392 recoveries ngayong araw

Akda ni Fitzgerald Cecilio

MANILA — Nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 1,557 bagong kaso ng COVID-19 ngayong araw.

Kaya naman pumalo na sa 566,420 ang kabuuang bilang ng mga tinamaan ng naturang sakit sa bansa kung saan 30,970 dito ay aktibong kaso pa.

May naitala naman ang DOH na 392 katao na gumaling, na nagdala sa kabuuang bilang ng recoveries sa 523,321.

Umakyat naman ang death toll sa 12,129 kasunod ng pagpanaw ng 22 katao.

Bago rito, inanunsiyo ng general manager ng Chinese company na Sinovac Biotech na handa nang ibiyahe patungong Pilipinas ang 600,000 dose ng COVID-19 vaccine na donasyon ng pamahalaan ng Tsina.

Noon pang Pebrero 23 inasahan ang pagdating ng nasabing bakuna ngunit naantala dahil ngayong linggo lang inaprubahan ng Food and Drug Administration (FDA) ang emergency use authorization para sa Sinovac.

Hindi naman nirekomenda ng FDA ang paggamit ng bakuna sa health workers dahil sa mababang efficacy rate nito na 50.4 porsiyento ngunit mainam naman sa malusog na indibidwal na edad 18 anyos hanggang 59 anyos.

Kaso sa mundo

Sa buong mundo, umabot na sa 112,680,152 ang kaso ng COVID-19, 88,266,708 dito ay gumaling na habang 2,497,171 ang namatay.

Sa 21,916,273 aktibong kaso, 21,823,982 ang nasa mild condition habang 92,291 ang kritikal.

Una pa rin ang Estados Unidos sa paramihan ng kaso na may 28,897,718, kasunod ang India (11,030,176), Brazil (10,260,621), Russia (4,189,153), UK (4,134,639), France (3,629,891), Spain (3,161,432), Italy (2,832,162), Turkey (2,655,633), at Germany (2,405,263). (AI/FC/MTVN)

Leave a Reply