Palasyo: Sinovac vaccines darating sa Linggo, rollout magsisimula agad sa Lunes

Palasyo: Sinovac vaccines darating sa Linggo, rollout magsisimula agad sa Lunes

MANILA – Inaasahan ng Malacanang na darating sa bansa sa Linggo (28 Peb 2021) ang 600,000 dose ng COVID-19 vaccines ng Sinovac Biotech na donasyon ng China.

“Inaasahan na darating sa araw ng Linggo, itong Linggong ito, ang Sinovac. Kaya excited na tayong lahat,” wika ni presidential spokesperson Harry Roque.

“Inaasahan at least ang pinaplano natin ay sasalubungin ng mga opisyal ang pagdating ng mga bakuna,” dugtong pa niya.

Ayon kay Roque, isang araw lang ang kailangan para makapaghanda sa rollout ng bakuna kaya inaasahang maipamamahagi na ito sa Lunes (01 March 2021).

“If it arrives on Sunday, if I’m not mistaken, then we can roll out on Monday dahil excited na ang maraming kababayan natin,” ani Roque.

Binigyan kamakailan ng Food and Drug Administration (FDA) ng emergency use authorization (EUA) ang Sinovac, ang ikatlong bakunang nabigyan nito sa bansa kasunod ng Pfizer at AstraZeneca.

Subalit sinabi ni FDA director-general Dr. Eric Domingo na hindi nila ito nirerekomendang ibigay sa healthcare workers dahil may efficacy rate lang ito na 50.4 porsiyento sa health workers na na-e-expose sa COVID-19. (AI/FC/MTVN)

Leave a Reply