Patas Na Imbestigasyon Inutos Ni PRRD Sa Commonwealth Shooting

Patas Na Imbestigasyon Inutos Ni PRRD Sa Commonwealth Shooting

Ni Arwen Pascua

MANILA — Patas na resulta ng imbestigasyon ang direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Commonwealth shooting na ikinasawi ng apat katao kabilang ang tatlong tauhan ng pamahalaan noong Pebrero 24 sa Quezon City.
Dismayado at labis na nalulungkot din ang Pangulong Duterte sa nangyaring barilan ng mga kagawad ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa parking lot ng isang fastfood chain sa Barangay Commonwealth tabi ng Ever Gotesco Mall.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, nagtataka ang Pangulo kung bakit nagkasagupa ang mga tauhan ng law enforcement agency ng pamahalaan na iisa lamang ang layunin at ito ay ang labanan ang droga sa bansa.

“The President, of course, expressed both sadness and concern bakit nangyari ito kapwa tao ng gobyerno ay nagkaputukan,”sagot ni Roque sa virtual presser.

Sa nasabing insidente, apat katao ang nasawi kabilang ang dalawang pulis, isang PDEA agent at isang civilian informant habang apat din ang nasugatan na ngayon ay nasa stable condition na.

Dagdag din ng Malacanang spokesman na tiniyak ng Pangulo ang pagsasagawa ng patas na imbestigasyon sa insidente at makakamit ang hustisya sa lalong madaling panahon.

“Ang inassure niya ay we will get to the bottom of this incident. Magkakaroon po ng impartial investigation at justice will be done,” dagdag ni Roque.

Magugunitang noong Huwebes sa joint press conference ng PNP at PDEA ay tiniyak na ilalabas ang katotohanan ng itinatag na Board of Inquiry.

Habang bukas din ang dalawang nasabing law enforcement agencies na pumasok sa imbestigasyon ang National Bureau of Investigation (NBI).

Kumpiyansa naman ang Malacañang na sa pamamagitan ng gagawing imbestigasyon ng PNP, PDEA, at NBI malalaman ng lahat ang tunay na nangyari sa likod ng insidenteng ito. (AI/MTVN)

Leave a Reply