Sen. Bato: PNP, PDEA posibleng pinagsabong ng drug syndicate

Sen. Bato: PNP, PDEA posibleng pinagsabong ng drug syndicate

MANILA – Inilutang ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa ang posibilidad na pinagsabong ng sindikato ng droga ang Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na humantong sa madugong engkuwentro noong Miyerkules sa Commonwealth, Quezon City.

“Isang teorya ko diyan, kung talagang pareho silang legitimate ‘yung lakad nila, isang napakasaklap na posibilidad, baka mamaya they were being played by the drug syndicate… Sila na mismo ang pinagbabangga-bangga,” wika ni Dela Rosa.

“Baka mamaya ‘yung mga informant, asset na kanilang ginamit, part of a large syndicate na mayroong somebody, orchestrated from the above, na ganito ang gawin ninyo para magpatayan ‘yang dalawa na ‘yan…” dagdag pa niya.

Ayon kay Dela Rosa, na dating PNP chief, maaaring ito ang bagong istratehiya ng mga sindikato ng droga para maipagpatuloy ang kanilang ilegal na aktibidad sa gitna ng ulat na mababa na ang supply ng shabu sa bansa.

Noong Huwebes, hindi isinantabi ni PDEA chief Wilkins Villanueva ang posiblidad na may kinalaman ang mga sindikato ng droga sa pumalpak na operasyon.

Parehong iginiit ng dalawang ahensiya na ang kanilang operasyon ay lehitimo at nagkaroon ng tamang koordinasyon. (AI/FC/MTVN)

Leave a Reply