Kalusugan, kabuhayan pinakamahalaga sa Pinoy — OCTA Research

Kalusugan, kabuhayan pinakamahalaga sa Pinoy — OCTA Research

File photo ng mga manggagawang Pinoy habang nakapila para mag-apply ng trabaho.

Kinalap ni Tracy Cabrera

MANILA — Ngayong panahon ng pandemya ng coronavirus, na kumitil na sa buhay ng mahigit 13,000 at nagpabagsak sa ekonomiya ng bansa, kalusugan at kabuhayan ang nakikitang pinakamahalagang bagay para sa mga Pinoy.
Ito ang lumitaw mula sa resulta ng pag-aaral na isinagawa ng University of the Philippines OCTA Research Group nitong nakaraang buwan ng Enero hanggang Pebrero.

Sa isinagawang survey sa may 1,200 katao, 65 porsiyento ang nagsabi na mas mahalaga sa kanila ang kanilang kalusugan at gayun din sa kanilang pamilya. Nasundan naman ang nasabing datos ng 56 porsyento na nagsabing nangangamba sila para sa kanilang trabaho at kabuhayan.

Ikatlo namang kinonsiderang mabigat na problema para sa mga Pinoy ay ang pangamba o takot na mabiktima ng krimen at kasunod nito ang suliraning may kinalaman sa mga posibilidad na hindi makapagtapos ng pag-aaral ang kanilang mga anak.

Ayon kay OCTA fellow Professor Guido David, higit na nakararaming Pinoy ang nagsasabi na dapat pagtuunan ng pansin ni Pangulong Duterte ang pagbalangkas ng solusyon para maresolba ang lumalalang problema ng unemployment o kawalan ng trabaho, lalo na ngayong panahon ng pandemya at pagbagsak ng ekonomiya, at gayun din ang mababang pasahod sa tao kung ihahambing sa mabilis na pagtaas ng mga pangunahing bilihin.

Lumitaw sa pag-aaral ng OCTA na aabot sa 47 porsyento ng mga Pinoy ang nagsabing higit nilang gustong pagtuunan ng pansin ng punong ehekutibo ang pagbibigay ng oportunidad sa trabaho ang mga nangangailangan bukod sa pagtaas ng suweldo ng mga manggagawa.

Sa kabilang dako, 39 na porsyento naman ang nagpahayag ng pagnanais na dapat umanong lutasin ng pamahalaan ang problema ng patuloy na pagtaas ng mga bilihin, partikular na ang pagkain.
Bilang huling datos, nais din umano ng nakakaraming Pinoy na matigil na ang pandemya, mapigilan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo at ang pagkakaroon ng libre at dekalidad na edukasyon para sa lahat. (AI/MTVN)

Leave a Reply