Sagot ng China kay Lorenzana: ‘Manigas ka!’

Sagot ng China kay Lorenzana: ‘Manigas ka!’

Ni Junex Doronio
Abril 4, 2021

MANILA — Kumpara sa pelikulang aksyon, mistulang nakakapigil-hininga ang palitan ng maaanghang na pahayag sa pagitan ni Defense Secretary Delfin Lorenzana at ng Embahada ng China na maaring magsilbing mitsa ng komprontasyong militar sa West Philippine Sea.

Ito ay kasunod ng reaksyon ng Chinese Embassy sa Manila na binansagang “perplexing” o nakalilito ang naging pahayag ni Lorenzana matapos igiit ng kalihim ng Pilipinas na dapat umalis na sa Julian Felipe Reef ang mga barko ng Tsino na pinaniniwalaan na mga sibilyang ginagamit ng kanilang hukbo ang mga sakay.

“China is committed to safeguarding peace and stability in the waters and we hope that authorities concerned would make constructive efforts and avoid any unprofessional remarks which may further fan irrational emotions,” ayon sa pahayag ng Embahada ng China.

Iginiit ng China na bahagi ng kanilang historical claim ang Julian Felipe Reef alinsunod sa mapa nilang nine dash line, kahit pa ang naturang lugar ay pasok sa exclusive economic zone ng Pilipinas sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).

Ang Julian Felipe Reef, na tinatawag ng China na Niu’e Jiao ay nasa layong 175 nautical miles ng Bataraza, Palawan.

Binigyang-diin ng China na bahagi umano ng kanilang Nansha Islands o Spratlys sa South China Sea ang Julian Felipe Reef, at dati na raw itong pinapangisdaan ng mga Tsino at kublihan ng kanilang mga barko kapag masama ang panahon.

“The Chinese fishermen have been fishing in the waters for their livelihood every year. It is completely normal for Chinese fishing vessels to fish in the waters and take shelter near the reef during rough sea conditions. Nobody has the right to make wanton remarks on such activities,” pinanindigan ng China sa pahayag.

Matatandaan na sinabi ni Lorenzana nitong Sabado na dapat umalis na ang natitirang 44 Chinese vessels sa Julian Felipe Reef.

“I am no fool. The weather has been good so far, so they have no other reason to stay there. These vessels should be on their way out. Umalis na kayo diyan,” ani Lorenzana patungkol sa paliwanag noon ng embahador ng China na nagkukubli lang daw sa lugar ang mga barko dahil sa masamang panahon.

Nauna nito, ipinahayag naman ng White House noong Abril 2, Biyernes, na napagkasunduan nina US national security adviser Jake Sullivan at ng national security adviser ng Pilipinas na si retired General Hermogenes Esperon ang kanilang malapit na ugnayan tungkol sa nasabing sigalot.

“Sullivan underscored that the United States stands with our Philippine allies in upholding the rules-based international maritime order, and reaffirmed the applicability of the US-Philippines Mutual Defense Treaty in the South China Sea,” pahayag ng White House. (AI/MTVN)

Leave a Reply