Divina Pastora

Divina Pastora

Hindi mapagtiwalaan ang mga gulanit nang gunita, lalo na kung binubungkal ang mga pinagdaanang pagdiriwang.

Sa ilang huling araw ng Abril, abala na ang mga magsasaka ng Gapan sa paggayak sa kani-kanilang kalabaw sa pagdiriwang ng Araw ng Divina Pastora– Divine Shepherdess, ang imahen nito ang Inang Birhen hawak sa kanang kamay ang isang mahabang tungkod at hinahaplos ng kaliwang kamay ang isang kordero o batang tupa sa kanyang kandungan.

Mahabang lunoy at lublob sa ilog para sa kalabaw. Para kahit paano, maging malambot ang mga buhok nito sa buong katawan– walang skin pores o mumunting butas na tatagasan ng pawis, kaya laging nakasoga sa lilim ang ating pambansang hayop. Kapag nabilad na matagal sa araw at init, bubula ang bibig nito, kikisay, daig pa ang hinagupit ng heat stroke, patay.

May hibo ng malabnaw na putik ang buhok ng kalabaw, inaahit para makinis, makintab ang balat na sasalamin sa mga silahis ng araw kapag nakahanay na sila sa harapan ng simbahan. Hindi ko matandaan kung saang bahagi ng misa, pinapaluhod ng mga pastol ang kani-kanilang damulag. At lalong hindi ko maipaliwanag kung paano napapatalima ang bawat kalabaw upang lumuhod.

Ititiklop ang mga tuhod, at tila nagpupugay o taimtim na dumadalangin silang mga kalabaw– nasa labas man ng simbahan, nakayukod sila paharap sa dambana ng Divina Pastora. Mayo Uno ang kanyang kapistahan.

Sa mga ulat na mabubungkal, mahahalungkat, masusumpungan, pawang mga himala kaloob umano sa Divina Pastora ang napapagtuunan. May mga napagaling sa malubhang karamdaman, may mga natupad na kahilingan, may mga nawasak na pagsasama na muling nabuo. Pawang nakaukol lang sa mga hangarin ng tao.

Walang kamatayang sopas na macaroni, hinimay na manok, tinadtad na mga gulay, at gatas ebaporada ang aming inihain sa mga nabiktima ng humaginit na unos nitong nakalipas na taon sa Nueva Ecija– sa Cabiao at sa Gapan kami dumayo, nagbigay ng kaunting tulong. Sabik na naungkat sa isang matanda kung isinasagawa pa rin ang arakyo tuwing Mahal na Araw, at kung patuloy na naisasalin ng mga maestro ng arnis ang kanilang kaalaman sa kabataan.

Tamilmil na nabanggit na isang nayon (Barangay Sta. Cruz) na lang ang nagtatanghal ng arakyo– kawangki ng moro-moro o zarzuela, tatludtod ng tula ang mga igkas ng pananalita na may kasaliw na musika, at walang kamatayang sagupaan ng mga Muslim at Kristiyano ang paksa.

Hindi pagdaloy ng mga tula na may alimuom at samyo ng pilapil at linang ang kinagiliwan ng aking kamusmusan sa arakyo. Hinangaan ko ang masining at mala-sayaw na pingkian ng arnis ng mga tauhang Muslim at Kristiyano. Sa arakyo naitatanghal ang pagiging batikan ng mga mag-aaral ng arnis, na itinakda ng batas na maging national sport ng Pilipinas.

Matamlay na nabanggit ng kausap na yumao o lumisan tungo sa ibang lupain ang mga matandang maestro ng arnis, iilan na lang ang kanilang naiwan na hindi maituturing na tahasang batikan sa naturang sining. Saka, hindi naman daw nakahiligan ng maraming kabataan ang arnis– mas nakalublob daw sa cell phone, mabuti pa raw ang kalabaw at marunong umahon.

Mapapailing lang ako kapag masasagi ng gunita ang ilog sa Gapan na aking nakamulatan– araw-araw, dose-dosenang trak ang humahakot ng buhangin at graba sa pampang. Naglaho na ang mga kawan ng ayungin o lukaok (silver perch) na nagliliwaliw noon sa agos. Uka-uka na ang mga pampang, naging tila mga lubak ang kabuuan ng ilog.

Hugot na lang ng malalim na buntong-hininga sa mga napagaling sa malubhang karamdaman, sa mga natupad na kahilingan, sa mga nawasak na pagsasama na muling nabuo. Pawang nakaukol lang sa mga mithi ng tao. Hindi marahil naniniwala ang mga kalabaw, ni ang gawak na ilog o ang mga nalipol na ayungin sa mga himala. (AI/MTVN)

Leave a Reply