Pinay karateka naghahanda na para sa Olympic qualifier makaraang magwagi sa Portugal

Pinay karateka naghahanda na para sa Olympic qualifier makaraang magwagi sa Portugal

File photo ng Pinay karateka na si Junna Tsukii.

Kinalap ni Tracy Cabrera
MANILA — Kasunod ng kanyang gold medal finish sa Karate 1-Premier League sa Lisbon, Portugal, pinaghahandaan na ni Pinay premier karateka Junna Tsukii para ariin ang slot bilang isa sa mga atletang Pinoy na lalahok sa nalalapit na Tokyo Olympics mula Hulyo 23 hanggang Agosto 8 sa taong kasalukuyan.

Nagbukas ng daan ang panalo ni Tsukii sa Lisbon para mas lumapit ang oportunidad niya na maging kinatawan ng bansa sa karate sa Olimpiyada.

Nagwagi si Tsukii sa top honors ng female kumite -50 kg matapos gapiin ang lahat ng kanyang mga nakalaban na humaharang sa kanyang paglahok sa Olympic qualification sa Hunyo 11 hanggang 13 sa Paris, France.

“This is my first gold medal on the world stage. To everybody who supported me to this point, this medal is for you,” wika ng 29-anyos na Filipino Japanese sa kanyang Instagram post kasunod ng 2-0 panalo niya kontra kay Moldir Zhangbyrbay ng Kazakhstan sa katatapos lang na Karate-1 Premier League tournament.

Kasalukuyang Southeast Asian Games champion at 2018 Asian Games bronze medalist, kinailangan lang ni Tsukii ang matinding roundhouse kick para tapusin si Zhangbyrbay sa impresibong ‘waza-ari’ para umiskor na dalawang puntos.

Ayon kay Karate Pilipinas president Ricky Lim, “(makaraan ang kanyang magandang ipinakita sa Lisbon, naniniwala siyang) malaki ang tsansa ni Junna para mapasama sa Paris qualifying.”

Kabilang sa mga tinalo niya sa Lisbon ay ang top contender na si Sara Bahmanyar ng Iran, Daniela Gallego ng Colombia at Radwa Sayed ng Egypt bago nakaharap ang two-time world champion na si Alexandra Recchia sa semifinals na nagbigay daan naman para sa gold-medal meeting kay Zhangbyrbay.

“Junna was more composed, relaxed and confident. Her emotions are under control the whole time and strictly followed the game plan,” dagdag ni Lim bago ang finals.

Isinilang sa lungsod ng Pasay bago nag-migrate sa Japan sa edad na 3 taong gulang, nag-aral si Tsukii sa Takushoku University sa Tokyo at sa bata pa lang na edad ay nag-aral na ng karate sa ilalim ng kanyang ama.

Noong 2017 at 2018, nagwagi siya ng mga tansong medalya sa women’s kumite 50 kg event sa Southeast Asian Games sa Kuala Lumpur at 2018 Asian Games sa Jakarta, Indonesia. Nasundan ito ng gintong medalya sa women’s kumite 50 kg event sa 2019 Southeast Asian Games na ginawa rito sa Maynila.

“My matches were very difficult. You can tell that the top karatekas in the world are here,” ani Tsukii sa wkf.net. Kailangan niya lang manalo ngayon sa Paris para matiyak na mapapasama siya sa Team Philippines sa Tokyo.
“The good thing about the qualifying tournament in Paris is that all the strongest opponents in her division has already qualified,” punto ni Lim. (AI/MTVN)

Leave a Reply