Top 10 PMA cadets Masaligan Class ’21 pinangalanan na; 4 na babae pasok sa ‘Circle of 10’

Top 10 PMA cadets Masaligan Class ’21 pinangalanan na; 4 na babae pasok sa ‘Circle of 10’

Ni Arwen Pascua

MANILA — Pinangalanan na ng Philippine Military Academy (PMA) ang Top 10 performing cadets na kabilang sa 164 na magtatapos sa Mayo 10, 2021.

Inulat din ng PMA na apat na babaeng 1st Class cadets ang pumasok sa Circle of 10 topnotchers.

Noong Lunes ay pinangalanan ng PMA ang kanilang Top Performing Cadets sa isinagawang “Kapihan sa PMA” sa Longayban Hall, PMA, Fort del Pilar, Baguio City na dinaluhan nina Lt Gen Ferdinand M. Cartujano PAF, PMA Superintendent at iba pang PMA top key officials na napanood din ng live sa PMA Official Facebook Page.

Ipinadala rin sa media ni PMA Spokesperson Maj. Christine Mae Calima ang mga pangalan ng natatanging kadete kasama ang apat na babaeng mahusay sa klase na sina Cadet 1CL Valerie Mae V. Dicang ng La Trinidad, Benguet, magna cum laude at nasa Rank 3; Cadet 1 CL Christine Joyce G. Andog, cum laude, Rank 5 ng Cabanatuan, Nueva Ecija; Rank 8 na si Cadet 1CL Pamela A. Calleja ng Malinao, Albay at Cadet 1CL Shirley Fatima E. Lim, cum laude ng Tacloban City at nasa Rank 10 sa performance.

Samantala, ang top 1 o Valedictorian ng PMA “Masaligan” Class of 2021 ay tubong San Enrique, Negros Occidental na si Cadet 1st Class Janrey C. Artus, summa cum laude at magsisilbi sa Philippine Navy.

Bago pumasok sa PMA, si Artus ay nag-aral ng chemical engineering sa University of the Philippines Visayas.

Ang Salutatorian ay si Cadet 1CL Daryl Brix R. Colita ng Malalag, Davao del Sur; Rank 4 Cadet 1CL Jan Hernan R. Perez Alabang Hills, Muntinlupa City; Rank 6 si Cadet 1CL Feljoy B. Ending, ng Oroquita City, Misamis Occidental; Rank 7 Cadet 1CL Harold Mars A. Sastado, Cum Laude ng Batangas City, Batangas at Rank 9 si Cadet 1CL Michael Angelo A. Madriaga ng Tabuk City, Kalinga.

Magaganap ang pagtatapos sa loob ng PMA sa Baguio City sa Mayo 10 na may limitadong attendees.

Sa kabuuan, 164 kadete kabilang ang 148 lalaki at 82 babae ang bagong miyembro ng Armed Forces of the Philippines na may may mga ranggong, Lieutenants at Ensigns. (AI/MTVN)

Leave a Reply