Isang holdaper patay at isa pa nakatakas sa dragnet ng QCPD

Isang holdaper patay at isa pa nakatakas sa dragnet ng QCPD

Kinalap ni Tracy Cabrera

MANILA — Patay sa engkuwentro ang isang robbery suspect habang nakatakas naman ang kanyang kasamahan matapos makipagbarilan sa mga pulis sa isinagawang dragnet operation sa Barangay Commonwealth.
Ayon kay Batasan Police Station (PS 6) commander Lieutenant Colonel Romulus Gadaoni, wala pang kilanlan ang napaslang na suspek na nakasuot ng itim na jacket, mula 25 hanggang 35 taong gulang, may taas na 5’4” hanggang 5’7” at may katamtamang pangangatawan.

Ayon sa inisyal na ulat ng mga awtoridad, bago mapatay ang suspek ay may biniktima siya ng pangho-holdup kasaama isang kasabwat sa may IBP Road.

Sakay umano ng kanyang motorsiklo ang biktima ng suspek na si Jonas Lincuna, 31, ng No. 7 Resolution Extension, Bgy. Batasan Hills, nang iangkas niya ang isang kaibigan sa Centris sa may panulukan ng Epifanio Delos Santos Avenue (EDSA) at Quezon Avenue.

Nang pauwi na si Lincuna, tumigil siya pansamantala sa Batoda Terminal sa may kanto ng Commonwealth Avenue at IBP Road at doon biglang sumulpot ang dalawang holdaper at saka siya tinutukan at kinuha ang kanyang mga kagamitan bago tumakas patungong IBP Road.

Agad naman humingi ng saklolo si Lincuna sa mga barangay service point officer na naroroon sa lugar ng pinangyarihan ng krimen at agad siyang dinala ng mga ito sa estasyon ng pulisya para isumbong ang holdapan. Kasunod nito’y nagsagawa ng dragnet operation ang mga awtoridad at sa may IBP Road nila naabutan ang mga suspek na sakay ng isa pang motorsiklo.

Sa pagsita sa kanila, sa halip na sumuko ay bumunot ng baril ang isa sa mga suspek saka nakipagbarilan sa mga rumespondeng pulis habang tumakas naman ang kanyang kasama sakay ng kanilang motorsiklo.

Na-recover ng mga tauhan ng QCPD Scene of the Crime Operations (SOCO) sa pinangyarihan ng engkuwentro and isang kalibre 38 revolver na Smith and Wesson at walang serial number kasama ang labing-apat na gamit na cartridge case, isang metal jacket at maliit na plastic sachet ng shabu. (AI./MTVN)

Leave a Reply