Ang driver na violator and dapat pagmultahin sa no contact apprehension

Ang driver na violator and dapat pagmultahin sa no contact apprehension

LGUs like Manila (featured image) now uses no contact apprehension on traffic violations in an effort to curb mulcting incidents on the road by traffic enforcers

Tatalakayin natin ang pagkakaiba ng no-contact apprehension ng MMDA at LGU (local government units) at iba pang detalye tungkol sa naturang batas trapiko.

Ang no-contact traffic apprehension ay makakatulong sa pagdidisiplina sa pasaway na driver kung maayos ang implementasyon. Pero magdudulot ito ng malaking abala sa mga may-ari ng sasakyan at pagkalugi ng mga transport operators kung walang “due process mechanism” sa pagpapatupad nito.

Iba ang ‘traffic violation’ sa kung ‘violation’ mismo ng may-ari ng sasakyan. Kapag traffic violation, ang driver ang dapat pagmultahin, hindi ang may-ari ng sasakyan kung hindi naman siya ang nagmamaneho – hindi ang operator kung hindi siya ang nagmamaneho.

Pero pag ang violation ay tungkol sa sasakyan tulad ng hindi rehistrado o kaya naman franchise violation, dito ay ang may ari ang may pananagutan.

Dito sa puntong ito nagkakaproblema ang no-contact apprehension. Dahil ang nakukunan ng camera ng cctv at digicam ay ang plate number ng sasakyan at ang notice of violation ay sa registered owner na ipadadala. Pero paano malalaman kung sino ang driver sa no-contact apprehension?

Dito may pagkakaiba ang notice ng MMDA at ng LGU. Bukod sa mas mataas ang multa sa LGU kaysa sa MMDA ay nakasaad sa notice ng MMDA na “in case the driver is not the owner, please send this portion back to” o kaya “in case the vehicle is sold, please provide deed of sale and write accurate name address and contact number of the new owner.”

Mainam ito dahil tanggap ng MMDA na hindi porke at nakunan ng CCTV ang sasakyan ay sigurado na sila na ang may-ari ang driver. Dahil dito ay nagkakaroon ng pagkakataon na maituro ang driver na dapat multahan.

Sa LGU iba ang nakalagay: “Maari po lamang aksyunan ang violation na ito sa lalong madaling panahon. Ang hindi ninyo pagtalima sa loob ng sampung (10) araw mula sa pagkatanggap ng notice na ito ay nangangahulugang tinanggap ang nasabing violation. Malalagyan ng alarma ang rehistro ng inyong sasakyan sa LTO kung ipagwawalang bahala ang violation na ito at mapapatawan ng interes ang inyong multa.”

Marahil ay kailangan din ng due process mechanism sa LGU upang mabigyan ng pagkakataon ang registered owner na ibigay ang pangalan ng driver tulad sa MMDA.

Isa rin dapat tingnan dito ay ang pag ALARMA ng LTO sa sasakyan. Kung ang sasakyan ay sangkot sa krimen o aksidente, o nag hit-and-run ay pwede i-alarma ito. Pero kung isang traffic violation ang magiging basehan di ba dapat lamang ng may proseso ang LTO dito? Dahil baka dumating ang panahon na wala nang mapaparehistrong sasakyan dahil nakaalarma na lahat.

Dapat sana ay hindi porke at pinaaalarma ng LGU ay hindi na pag-aaralan ng LTO at yung alarma na lang basta ang pagbabasehan.

Halimbawa kung ang registered owner ay transport corporation – malinaw na hindi pwede magmaneho ang isang buong korporasyon. Bakit alarma agad? Di ba’t tama yung proseso na ibigay ang pangalan ng driver na nagkasala at yung lisensya niya ang isuspinde hangga’t hindi nababayaran ang multa ng traffic violation?

Maganda ang hangarin ng no-contact apprehension pero dapat maipatupad ng patas at walang maa-agrabyado. Batas marahil ang kailangan. Sa ngayon dapat ang LTO ay mag proseso muna bago mag alarma ng sasakyan na base lang sa isang minor traffic violation lalo kung hindi naman kasalanan ng may-ari ng sasakyan. (AI/MTVN)

Leave a Reply