Flexible learning hindi pagpapalawig ng distance learning — CHED

Flexible learning hindi pagpapalawig ng distance learning — CHED

Ni Arwen Pascua

MANILA — Hindi paraan para mapalawig ang distance learning o kalimutan ang face-to-face classes.

Ito ang naging pagdepensa ng Department of Education (DepEd) sa kanilang pahayag na kanilang ia-adopt sa Commission on Higher Education (CHED) ang flexible learning.

Sa virtual presser ng BM Coffee Club ay sinabi ni Education Assistant Secretary Alma Torio na hindi isang bagong sistema sa pagtuturo ang flexible learning kundi isa itong pamamaraan para maturuan ang mga estudyanteng nasa kakaibang sitwasyon partikular ngayong pandemya.

Sa kanyang paliwanag sa pulong balitaan may temang Investing in Education: Learning to Survive, Survive To Learn, matagal nang nagagamit ng ibang guro ang flexible learning kahit hindi pa naitatala ang COVID-19 pandemic.

Aniya, ang flexible learning ay ginagamit sa mga mga pambihirang pagkakataon gaya ng kung may sakit ang estudyante, may special needs ang learners, sa Special Education, Alternative Learning System (ALS) at sa Alternative Delivery Mode (ATM).

Dagdag pa ni Torio na nangangahulugan lamang na ang flexible learning ay inisyatibo ng mga guro na gumagawa ng paraan para maturuan ang kanilang mga estudyante dahil sa hinihingi ng pagkakataon gaya ng pagkakasakit o kaya naman ay naantala ang pag-aaral dahil nagkabagyo o kaya naman ay nawalan ng signal ang internet at hindi aniya ito isang bagong buong sistema kung saan unti-unti nang ipalilimot ang face-to-face classes.

Kasabay nito ay pinawi ng DepEd ang pangamba na isang mind conditioning ang pagpapatupad ng flexible learning upang mapalawig ang distance learning o kaya naman ay hindi na magkakaroon ng face-to-face classes.

“Hindi po ito pagbabalewala sa face-to-face classes dahil ito (flexible learning) ay paraan lamang para maabot at maturuan ang mga estudyante, personally, ito ay ginagamit ko na pre-Covid19 pa sa pagnanais kong maturuan ng tama ang mag-aaral,” paliwanag pa ni Torio. (AI/MTVN)

Leave a Reply