Shabu pinalaman sa tinapay, isinahog sa noodles dalaw sa preso kalaboso

Shabu pinalaman sa tinapay, isinahog sa noodles dalaw sa preso kalaboso

Ni Arwen Pascua

MANILA — Sa halip na dalaw lang ay swak sa selda ang naganap sa isang lalaki matapos mabisto ang tangka nitong pagpuslit ng shabu na nagkakahalaga ng mahigit sa P66,000 na kanyang ipinalaman sa dala nitong tinapay at nakatago ang iba pa sa cup noodles.

Naganap ang lahat ng ito kamakalawa sa Zambales Provincial Jail.

Sa ulat ni Iba Municipal Police Station Acting Chief of Police Major Christopher Baybayan kay Zambales Police Director Col. Romano Velayo Cardiño, nakilala ang nadakip na si Josef Oliver Valdijon, 37-anyos, tricycle driver at residente sa nabanggit na lugar.

Alas-4 ng hapon nitong Hunyo 22 nang dumalaw umano ang suspek sa naturang piitan kung saan protocol na ang masusing halughugan ng mga naka-duting jail guard sa mga dala ng mga dadalaw sa mga inmates o Person Deprived of Liberty (PDL) sa nasabing piitan.

At nang bulatlatin umano ng jail guard ang dalang pagkain ng suspek, tumambad ang siyam na pakete ng hinihinalang shabu na nakapalaman sa ensaymada at nakatago ang iba sa cup noodles, na tinatayang aabot sa 11 gramo at nagkakahalaga ng hindi bababa sa P66,000 na street value nito.

Nagawa pa raw makatalislis o makatakas ng suspek pero maagap na nasukol ng mga rumespondeng pulis.

Sa talaan ng pulisya, dati nang nakulong ang suspek sa pareho din kaso ng iligal na droga apat na taon na ang nakalipas. (ai/mtvn)

Leave a Reply