PMMA cadet patay sa 2 beses na kaldag, Covid positive pa

PMMA cadet patay sa 2 beses na kaldag, Covid positive pa

Ni Arwen Pascua

MANILA — UMAMIN na ang kadete na mayroon syang kinalaman sa pagkamatay ng kanyang underclass at kababayan sa loob ng palikuran sa kanilang barracks sa Philippine Merchant Marine (PMMA) sa San Narciso, Zambales.

Ayon kay PCol. Romano Cardino, provincial director ng Zambales Police na inamin ni Cdt 2nd Class Jomel Gloria na dalawang beses niyang dinibdiban o kinaldag ang biktimang si Cadet 3rd Class Jonash Bondoc, 19-anyos, bilang recognition o farewell punch dahil sila ay magkababayan at magkakahiwalay na dahil uuwi sila pareho sa Butuan.

Aniya, binigyan sila ng “liberty” o kalayaang makauwi sa Mindanao at bilang “lambing” ay kinaldag ni Gloria si Bondoc saksi ang isa pang kababayan sa palikuran ng barracks noong umaga ng Hulyo 6.

Ang “lambing” ay tradisyon ng mag-aaral sa PMMA bilang para sa mahigpit na brotherhood at dahil magkakahiwalay sila nang matagal.

Makaraan ang dalawang beses na kaldag ay hinimatay si Bondoc at nang isugod ito sa ospital ay dead on arrival na.

Batay sa ulat ng physician, ang ikinasawi ni Bondoc ay head injury.

Ang isa namang kinaldag ni Gloria na saksi sa pangyayari ay wala namang nangyari habang sa findings sa ospital ay nakitaan ng bukol sa ulo si Bondoc.

Si Gloria na inaresto at tinanggal na sa pagiging kadete sa PMMA ay nahaharap sa kasong homicide habang iginiit na wala siyang intensiyon na patayin ang kababayan.

Dumating na rin ang kaanak ni Bondoc at kinuha ang abo ng biktima na agad na-cremate dahil positibo rin ito sa COVID-19.

Sinabi ni Cardino na nagkataon na 250 ng kadete ng PMMA ay nagpositibo sa COVID-19 at para matiyak na ligtas na sa biyahe ang labi ng biktima ay isinailalim ito sa test at nadiskubreng positibo ito sa virus kaya isinailalim sa cremation. (ai/mtvn)

Leave a Reply