SCHOOL SERVICE OPERATORS, DRIVERS, KAILANGAN DIN NG AYUDA!

SCHOOL SERVICE OPERATORS, DRIVERS, KAILANGAN DIN NG AYUDA!

Dahil walang face-to-face classes sa mga paaralan, isa sa pinaka-apektadong sektor ay mga school service providers.  

Tahimik na bahagi ng transport sector pero napakahalaga ang role nila sa pangangalaga ng mga estudyante, sa pagsundo sa bahay at paghatid sa mga paaralan, at pabalik.  

Malaking tulong din sila sa pagtitipid ng mga magulang sa gastos sa pamasahe o gasolina dahil sila na at hindi na gagamit ng sariling sasakyan. 

Malaking kabawasan din sa traffic dahil imbes sariling sasakyan pa ang gagamitin sa paghatid sa isa o dalawang bata lang ay school service na lang. 

Istrikto rin ang polisiya ng LTFRB sa kanila – tulad ng kailangan ang accreditation mula sa paaralan, paglalagay ng fire extinguisher, seatbelt, at may helper pa o assistant ang driver sa pagasikaso sa mga estudyante. 

Kailangan ang mga ito dahil sa ipinagkakatiwala ng magulang ang kanilang anak sa mga school service providers. 

Buhat nang nasuspinde ang face-to-face class ay nalugmok at nawalan ng hanapbuhay ang libu-libong mga umaasa sa sektor ng school service providers.  

Hindi lang operators, pati mga drivers at helpers nila.  Kaya dapat rin sila mabigyan ng ayuda tulad ng sa mga jeepney, UV express, mga bus, atbp. 

Kung naisama na sila sa bigayan ng ayuda ay isa na ako sa taus-pusong nagpapasalamat. Pero kung hindi pa, sana ay mabigyan na sila. 

Isa rin sa dapat maihanda ay ang kanilang pagbabalik serbisyo lalo na ngayon at pinag-aaralan na ng IATF at DepEd ang pagbabalik ng face-to-face classes.  Sana ay maisama sila sa consultation ng pagpaplano tungkol sa pagbabalik ng face-to-face classes.

Ang mungkahi rin ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) ay matulungan sila sa pagbabayad ng monthly installment ng kanilang mga unit dahil sa halos dalawang taon nga ay wala silang kita at para kahit papano ay makabawi muna sila at huwag iremata ang mga units nila. 

Mapalawig din sana ang panahon para sa pag-renew ng kanilang mga prangkisa kung ma-e-expire na ito.

Tahimik na sektor ang mga taga school service kaya kailangan na maparating din sa kinauukulan ang kanilang mga pangangailangan. (ai/mtvn)

Leave a Reply