Truck driver na nakabangga ng kotse na ikinamatay ng 2 babae sa Pasig City nakonsensiya, sumuko

Truck driver na nakabangga ng kotse na ikinamatay ng 2 babae sa Pasig City nakonsensiya, sumuko

Ni Arwen Pascua

MANILA — Dahil sa konsensiya, makaraan ang 15 oras ay sumuko sa Pasig City Police ang truck driver na bumangga sa isang kotse na ikinasawi ng dalawang babae at ikinasugat ng dalawang iba pa sa may C5 flyover sa Pasig City.

Sa ulat ni Police Lt. Mario Golondrina, officer-in-charge ng Pasig City Police- Vehicle Traffic Investigation Unit, alas-6 ng gabi, Setyembre 13, nang sumuko si Anacleto Espanto, 42, at nagtatrabaho sa isang steel company na may garahe sa Cainta, Rizal.

Sinabi naman ni PLt. Gaby Deligente, public information office ng Pasig City PNP, na batay sa pag-amin ni Espanto ay natakot ito kaya tumakas.

“According sa suspect magkahalong takot at kaba ang naramdaman nya kaya siya ay nagpasyang tumakas,” sabi sa viber message ni Deligente sa media.

Sa salaysay ni Espanto kay Golondrina nabangga siya ng kotse mula sa likuran, na taliwas sa unang pahayag ng mga rumesponde at nakaligtas sa insidente.

Idinepensa niya ang pagtakbo makaraan ang banggaan at sinabing itinuloy niya ang delivery niya at nakabalik pa siya sa garahe nila sa Rizal, bago nagdesisyon na sumuko sa pulis.

Sa pagsisiyasat ng pulis, nakitaan ng sirang gulong sa likuran ng 16-wheeler truck ni Espanto at may mga gasgas din sa ilalim ng trailer.

Subalit sa salaysay ng driver ng kotse sa pulis, pumutok ang gulong ng truck kaya nahagip ang kotse.

Magugunitang pasado alas-2 ng madaling araw sa nasabi ring petsa ay nabangga ni Espanto ang kotseng sinasakyan ng namatay na sina Ayeseth Esgrina at Mary Anne Galit, pawang pasahero sa likurang bahagi ng sasakyan.

Sugatan ang driver na si Jesus Ilagan at ang isa pang pasahero na si Mal Abdul. (ai/mtvn)

Leave a Reply