Gov’t troops umiskor vs NPA, 6 rebelde patay

Gov’t troops umiskor vs NPA, 6 rebelde patay

Ni Arwen Pascua

MANILA — MULING nakaiskor ang tropa ng pamahalaan laban sa mga komunistang terorista nang sumiklab ang sagupaan sa dalawang magkahiwalay na lugar sa Mindanao.
Ayon kay 4th Infantry Division, Philippine Army Commander, Maj. Gen. Romeo Brawner Jr., anim (6) na miyembro ng New People’s Army ang nasawi habang 15 matataas na armas ang narekober ng militar katuwang ang Philippine National Police- Special Action Force.

Unang naglunsad ng focus military operation ang pinagsanib na puwersang 1st Special Forces Battalion (1SFBn) na pinamumunuan ni Lt. Col. Vercisio G San Jose Jr, at 8th Infantry Battalion (8IB) sa ilalim ng pamumuno ni Lt Col Edgardo V Talaroc Jr, laban sa mga rebeldeng kasapi ng North Central Mindanao Regional Committee (NCMRC).

Sinalakay ng Special Forces Teams ng 1st Special Forces Battalion na nasa ilalim ng 403rd Infantry Brigade ng 4th ID ang pinagkukutaan ng mga rebelde sa Sitio Cogon Cogon, Brgy Manalog, Malaybalay City, Bukidnon bandang alas-6:45 ng umaga.

Limang bangkay ng NPA ang inabandona ng kanilang mga kasamahan sa pagtakas ang nadiskubre ng mga sundalo sa clearing operations gayundin ang pagkasamsam ng kanilang armas na anim na AK47 rifles, dalawang M16 rifles, tatlong M653 rifles at isang caliber .45 pistol, at iba’t-ibang war materials.

Bandang alas-3 ng hapon, isang engkuwentro rin ang naitala sa Brgy. Bugsukan, Butuan City, Agusan del Norte nang masabat ng pinagsanib na puwersa ng military at ng PNP Special Action Forces ang grupo ng mga rebelde.

Sa nasabing sagupaan ay napatay si alyas Jimboy ng Sandatahang Yunit Pampropaganda.

Wala namang nalagas sa panig ng pamahalaan, ayon kay Brawner.

(ai/mtvn)

Leave a Reply