P1 lang na PROVISIONAL INCREASE ng PASAHE sa HALIP na P3

P1 lang na PROVISIONAL INCREASE ng PASAHE sa HALIP na P3

Balak mag-petition sa LTFRB (Land Transportation Franchising Board) ang ilang jeepney transport groups para sa provisional increase na P3 – tatlong-piso – sa minimum fare dahil sa napakamahal na presyo ng diesel ngayon.

Sa dating P9.00 pesos ay magiging P12.00 pesos ang singil ng minimum fare.

Dama natin ang hinaing ng mga operators at drivers sa panahon ngayon na marami sa kanila ay namamalimos na sa lansangan dahil hindi sila nakapamasada ng mahabang panahon dahil sa kasalukuyang pandemya. At noong ibinalik ang pasada ay bawas ang kanilang pasahero dahil kailangan sumunod sa health protocols ng mga tao at para mapanatili ang social distancing sa public transport.

Pero sa tingin ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) ay masyado pong mataas ang hinihinging dagdag P3.00 para sa mga ordinaryong mananakay na marami sa kanila ay nawalan din ng trabaho at naghihikahos din sa buhay.

Magkakaroon ng pandinig ang LTFRB pagkatapos maghain ng petisyon ang mga jeepney groups. At sa LCSP ay hiling namin na piso na lang muna ang idagdag sa halip na P3. Ang P9.00 pesos ay magiging P10.00 na minimum fare.

Bagamat hindi kalakihan ang pagtaas ay mababalanse natin ang pangangailangan ng mga transport groups at ang kakayahan ng mga pasahero.

Kailangan pa rin ituloy ang tulong ng pamahalaan sa mga driver at operators at isang-tabi muna ang mga polisiyang pahirap sa kanila sa panahon ng pandemya. Ito po ang posisyon ng LCSP.

Piso, hindi P3.00.

Leave a Reply