Quietus interruptus

Quietus interruptus

IPINAGPIPILITAN kasi ang kulturang Filipinoise. Apaw sa ampaw na ingay. Hikahos sa taimtim, mayumi’t mapagliming katahimikan—why speak unless you can improve the quiet?

Hindi na mabilang ang takal o takda ng gagap na palakol. Pigil ang puluhang kahoy pero paulit-ulit na isisibak ang ulunang bakal—isasaliw sa usal ng dasal. Matapos ang kaliwang kamay—sumalin ang kung ilang imbay sa kanang bahagi ng utak na sumasaklaw sa mapanlikhaing kapangyarihan ng isipan—kanan naman ang isasalang sa ganoong gawi.

Magsasalin sa kaliwang panig ng utak, mapanuri. Nurture + culture = nulture…

Ni walang maglalawang pawis habang matining na maglalawiswis sa nilandas na hangin ang bisig at kamay… na karugtong ng palakol… kaakibat ng taimtim na bagsak ng talim.

May mga ganoong tagpo sa pamumuhay na salat sa salita. Dahil may puyo ng alimpuyo’t buntong-hininga ng bagyo ang maibubuhos-pero-hindi-man-lang-iaagos na katuturan… paghahanda ng mga sangkap sa lutuin… matamang pakikinig sa awit ng bumabagsak na ulan… masuyong paghaplos sa kaliyag o sa musmos na anak… pagsamyo’t pamumupol ng mga bulaklak… pagnamnam sa umuusok na sabaw.

Umaatikabo minsan ang pingkian ng laway sa pakikipagbungguang-bote sa Thirstday Indulgence, Makati … natitigmak sa ilandang ng mga argumento na sasanaw hanggang madaling-araw. Bawat isa’y tala-talaksan ang bitbit na mga salita sa lukbutan ng lalamunan—nakalublob na’t nalulunod sa labis-labis na yaman ng mga salita.

Nakakatameme. Nakakasinok. Lalo na’t katiting lang ang maihahandog na mga kataga sa mga kausap. Lalo na’t tipid ang mailalahad na katuturan sa pangungusap, sa ‘kikipag-usap.
May mga makakausap. May mga makakaunawa.

‘Hirap talagang pumili ng makakasama’t makakasalamuha kahit sa karaniwang piging at pagtitipon.

Madalas na iwanan ang umpukan kapag nasimulan ang tagisan-laway, ang palitan ng putak, hindi man ‘yon humantong sa walang kapararakang away. Pero kahit ungkatin ang Monica Lewinsky, ‘yang mahilig na ibuka ang bunganga’y madalas na napapasubo… mamuwalan na ang kamay sa paghango ng biyaya, huwag lang sa ibubuhos sa bukakang bunganga.

Mas masaya marahil na laging may nakasupalpal na nguso ng bote sa mga labi— marubdob at buong puyos na sisiil ng mapusok na halik. Saka lalagok. Nanamnamin ang daloy ng lamig at pait.

May makikinig. May kikinig. Uh-huh, the inner ear is the body’s organ of equilibrium that governs precision of body movements…

In a crossing of hands—an earnest dialogue of sorts with hand blows, parries, locks, interlocks, counterblows– with a young martial artist a few decades my junior, he wondered why he was always at the receiving end. I was too stymied and drunk to tell him he spoke quite aloud… I heard alright but just listened and kept my peace…

The inner ear hears much and speaks tersely, precisely.

Nangungusap din ang pandinig. Nang tiwasay, tipid at tahimik. (ai/mtvn)

Leave a Reply