Bagong batch ng mga OFW nabakunahan sa DOLE

Bagong batch ng mga OFW nabakunahan sa DOLE

MANILA — Panibagong batch ng mga overseas Filipino workers (OFWs) ang nakatakdang mabakunahan ngayon dito sa gusali ng Department of Labor and Employment ngayong Miyerkules (10 Nov 2021) sa Intramuros, Maynila.

Ayon sa DOLE, mahigit sa isang-libong OFWs ang puwedeng mabakunahan ngayong araw ng Miyekules matapos makatanggap ng ahensya ng 2,000 AstraZeneca vaccines mula sa Brunei government.

“First come, first serve basis” diumano ang ipinatutupad na vaccination program sa naturang site pero prayoridad ang mga OFWs na nakatakdang lumipad patungong Brunei.

Nakipagtulungan din ang DOLE sa mga katuwang nilang recruitment agencies para dalhin o ihatid nila ang mga aplikante nila na hindi pa nababakunahan.

Pinakauna sa pila si Amelyn Macay, na nakatakdang lumipad sa Kuwait kung saang mamamasukan siya bilang isang domestic helper.

Isang mahalagang paalala naman ang ibinigay ng DOLE sa mga pupunta na kailangan umano sila’y pre-registered o nakarehistro na antimano sa Manila Vax Portal.

Nagsimula ang pagbabakuna ng alas-8 ng umaga at nagtapos ng alas-3 ng hapon ng Miyerules.

(Val Leonardo/BENJAMIN CUARESMA/ai/mtvn)

Leave a Reply