Malolos City police nagsagawa ng surprise drug test sa kanilang hanay

Malolos City police nagsagawa ng surprise drug test sa kanilang hanay

CAMP GEN ALEJO SANTOS, City of Malolos, Bulacan — Sa pagpapatuloy ng tinatawag ng ahensya na internal cleansing, ay nagsagawa ang hanay ng kapulisan sa lungsod na ito ng sorpresang drug test nitong Lunes (15 Nobyembre 2021).

Ito’y pinagunahan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ng lungsod at nangalap ito ng may dalawampu’t apat (24) na sample ng ihi mula sa police commissioned officers (PCO) upang masuri at madetermina kung may mga gumagamit sa hanay nila ng illegal na droga kabilang ang methamphetamine (shabu) at marijuana.

Napagalaman pa na kung sakali malaman na ang isang pulis ay nagpositibo sa isang ipinagbabawal na gamot ay sasailalim ito sa kaukulang aksyong pagdisiplina habang isinasagawa ang pagsusuri sa kumpirmasyon.

Ipinahayag pa ni PCol Manuel Lukban na ang mga pamamaraan ng pagdidisiplina ay gagawin laban sa sinumang nagkakamali na naka-uniporme at hindi naka-uniporme na mga empleyado ng PNP at tiyak na mananagot ang nagkasala sa anumang mga iregularidad.

Ang mga pagsaway, limitasyon, serbisyo sa komunidad, pagsususpinde, demosyon, at pay forfeitures ay kabilang sa mga parusang pandisiplina.

Ang pulisya ng Bulacan ay matatag na magpapatupad ng mga reporma, magsasagawa ng mga sorpresang inspeksyon, at random na drug testing sa lahat ng mga tauhan nito upang matiyak ang mahusay na serbisyo sa publiko bilang pagsunod sa mga marching order ng Regional Director ng PNP Region 3 na si PGen Matthew Baccay at ayon na rin sa direksyon ni Chief PNP Gen. Dionardo Carlos sa programang “Internal Cleansing” ng PNP.

(Val Leonardo/BENJAMIN CUARESMA/ai/mtvn)

Leave a Reply