Maraming positibong pagbabago sa PNP isusulong ni Eleazar

Maraming positibong pagbabago sa PNP isusulong ni Eleazar

Ni Tracy Cabrera

Ayon kay senatorial aspirant, retired PNP chief Gen. Guillermo Eleazar, makakatulong ang pinaigting na seguridad mula sa pulisya ang pagpapalakas ng ekonomiya ng bansa. (Photo: Sunstar)

MANILA — Sa nakalipas na ilang araw simula nang maghain ng kandidatura para sa pagkasenador sa halalan sa Mayo 9 sa susunod na taon, inilinya ni Partido Reporma senatorial bet Guillermo Lorenzo Tolentino Eleazar sa pagtutuunan ng kanyang atensyon mula sa pangkalahatang pagpapalawig ng peace and order sa buong bansa sa kanyang legislative agenda ay isusulong niya ang malawakang reporma sa mga tungkuling pagpapatupad ng batas at ibang mga police frontline service para maipagpatuloy ang pagpapabuti ng Philippine National Police (PNP) upang makaresponde ng daglian sa mga pangangailangan ng taongbayan.

Ito ang hinayag na pangako ng dating hepe ng PNP sa pagdalaw niya sa Tagum, Davao del Norte, na kung saan ay malugod siyang tinanggap ng mga lokal na opisyal na kabilang ang mga alkalde at opisyal ng barangay na lahat ay nagsabi ng pagsuporta sa retiradong heneral para sabihing naniniwala sila na bilang mambabatas ay magiging tulad din nang ginampanan niya ang tungkulin niya bilang ‘top cop’ ng bansa.

Sa pakikipagpulong sa mga opisyal at mamamayan ng Tagum, hinayag ni Eleazar ang pagnanais niyang ipagpatuloy ang mga bagay na sinimulan niya sa PNP, na kabilang ang kanyang Project E-Sumbong, na kung saan ay ginamit ang iba’t ibang online platform para makipag-ugnayan sa publiko para makapagsumbong sila at masabi ang kanilang mga agam-agam.

Idinagdag niya na isusulong din niya ang mas pinalawig na Project E-ACCESS sa PNP na magiging database ng kilalang mga cybercriminal at ang kanilang modus operandi na maaaring ma-access ng mga netizen upang maprotektahan ang kanilang mga sarili para maiwasang mabiktima ng mga cybercrime.

“Iyong mga isusulong natin na mga programa o mga legislation, ‘yan naman po ay ating inaayos pa pero basically ito po will aggressively push for the state-of-the-art technology so that we can further improve the law enforcement functions as well as to improve the frontline services by the Philippine National Police,” idiniin ni Eleazar sa maikling talumpati.

“Palakasin ang ating reporting system na kung saan ay iyan ay sinimulan na natin through the E-Sumbong at on the side of police, mabilis na pagmomonitor nito . . . bottomline, mabilis na pagtugon sa ating mga kababayan,” dagdag niya.

Ipinaliwanag ng ika-26 na hepe ng PNP na ang kanyang adhikain para sa mga pagbabago sa pagtutupad ng mga tungkulin ng pulisya ay alinsunod din sa plano ni Partido Reporma standard bearer Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson na gawing digitalized at automated ang mga ahensya ng pamahalaan para mabawasan kung hindi man maalis ang korapsyon sa ating lipunan.

“Law enforcement and economic development are two matters which cannot be separated as a prosperous and developed nation has always been anchored to the peace and security situation. Naipakita po natin ang pagtaas ng kumpiyansa, tiwala at respeto ng ating mga kababayan sa ating kapulisan at iyon ang nagtutulak sa akin para maipatuloy itong aking serbisyo,” aniya.

“Bilang isang pupunta sa ganitong bagong yugto sa paglilingkod sa ating bayan eh I will be focusing, of course, on the perspective of law enforcement na ating nakita naman na hindi natin puwedeng paghiwalayin sa ating economic development.”

Sa pagwawakas, binigyan-diin ni Eleazar ang kahalagahan na gawin bahagi ang seguridad sa stratehiya at agenda ng gobyerno sa mabilis na panunumbalik ng kasiglahan ng ating ekonomiya.

“Masigla ang ekonomiya kung payapa at ligtas ang ating bayan at ating pamayanan,” pagtatapos ni Eleazar. (ai/mtvn)

Leave a Reply