Eleazar nagtanim ng 2 bandila ng Pilipinas sa Pag-Asa Island

Eleazar nagtanim ng 2 bandila ng Pilipinas sa Pag-Asa Island

By Tracy Cabrera

Kasama ni Partido Reporma standard-bearer Panfilo Lacson si dating PNP chief Guillermo Eleazar (kanan) nang dumalaw sa Pag-Asa Island. (Larawan mula sa General Eleazar’s Media Friends)

KALAYAAN, PAG-ASA ISLAND — Sa gitna ng tension sa West Philippine Sea (WPS) na kung saan ay binomba ng tubig kamakailan ng Chinese militia ang mga barko ng bansa sa karagatang kalapit ng Ayungin Shoal, dinalaw ni retired Philippine National Police (PNP) chief Guillermo Lorenzo Eleazar kasama si Partido Reporma standard-bearer Senator Panfilo ‘Ping’ Lacson ang malayong Pag-Asa Island na kung saan marami sa ating mga mangingisda ang na-bully at hinaras ng coast guard ng China sa nakalipas na mga buwan.
Binigyang-diin ni Eleazar ang pangako ng Partido Reporma presidential candidate ang adhikain nitong pangalagaan ang soberenidad ng Pilipinas at itinuring ang kanilang pagdalaw sa isla bilang seryosong mensahe sa Beijing ukol sa determinasyon ng ating pamahalaan na protektahan ang ating mga teritoryo at isulong ang ating pagmamay-ari dito sa pamamagitan ng pagpapakita ng pakikiisa sa mga mangingisda sa Pag-Asa Island na kailan lang ay nakaranas ng hirap sanhi ng mga iligal na aktibidad ng mga Instik sa rehiyon.

Sinamahan ang dalawang kandidato ng iba pang mga kinatawan ng Partido Reporma at gayun din ng mga opisyal ng militar at pulisya na nakatalaga rito na nakipagpulong kina Lacson at Eleazar para pag-usapan ang mga usapin ukol sa teritoryo habang nakipagkonsulta sa mga residente ng isla para makakuha ng tunay na impormasyon sa situwasyon habang nagpapatuloy ang panghihimasok ng mga Intsik sa ating nasasakupan, partikular na sa ating mga exclusive economic zone (EEZ).

Pinahalagahan ni Eleazar ang pagkakaroon ng paninindigan ng bawat Pilipino sa ating mga karapatan sa West Philippine Sea sa gitna ng girian sa pagitan ng ating mga puwersang pangkaragatan at Chinese Coast Guard at mga barko de giyera at eroplano ng People’s Liberation Army (PLA).

“Our stand to assert our sovereignty does not necessarily translate to war like what other people think. We already won the case and we will support any move for dialogues and to seek the support of the international community, particularly our allies, in ensuring both the freedom of navigation and bring back the normalcy on our traditional fishing rights,” pinunto ng dating hepe ng PNP.

“Walang ibang hangad ang ating mga kababayan kung hindi maibalik sa normal na malaya silang makakapangisda. Ito ang ating isusulong dahil ang kabuhayan na nila ang pinag-uusapan dito,” dagdag ng retiradong heneral.

Matatandaang isinulong ni Eleazar noong siya pa ang hepe ng pambansang pulisya ang aktibong pagtulong ng Maritime Group ng PNP sa isinasagawang pagpapatrolya at pagbabantay sa WPS ng ating Philippine Coast Guard (PCG) at mga tauhan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).

“Hindi naman puwede na habambuhay tayong mabu-bully at makikipagpatintero sa sarili nating teritoryo, kaya mahalaga na mapalakas ang pakikipag-ugnayan natin sa ating mga ka-alyadong bansa upang maipag-laban natin ang pagbabalik sa normal sa West Philppine Sea,” kanyang tinukoy bilang pagwawakas. (ai/mtvn)

Leave a Reply