‘State-of-the-art’ PNP nais ni Eleazar

‘State-of-the-art’ PNP nais ni Eleazar

Ni Tracy Cabrera

File photo ni Partido Reporma senatorial aspirant Guillermo Eleazar noon siya pa ang hepe ng PNP. (Larawan kortesiya ng UNTV News)

MANGATAREM, PANGASINAN — Masigla ang ekonomiya kapag payapa at ligtas ang ating bayan at ating pamayanan,” ito ang itinuran ni ex-PHILIPPINE National Police (PNP) chief at Partido Reporma senatorial bet Guillermo Eleazar nang dumalaw sa Pangasinan para makipag-uganyan sa mga residente rito sa gitna ng umiinit na tensyon sa panghihimasok ng mga Instik sa bahaging ito ng kapuluan.

Nangako si Eleazar na isusulong niya, kapag nanalo siya, ang state-of-the-art technology para lalong umunlad ang serbisyo publiko ng pambansang pulisya at gayun na rin sa sangay nito na PNP Maritime Group para mapangalagaan ang seguridad at soberenidad ng bansa.

Ayon sa ika-26 na PNP chief, pangungunahan niya ang pagsulong ng mga innovative law enforcement functions para mapaganda at mapalawak pa ang frontline services ng pulisya para na rin maipagpatuloy ang reporma at pagiging propesyonal ng hanay ng PNP para madaling tugunan ang pangunahing pangangailangan ng mga Pinoy.

Batay sa pahayag ng mga residente sa Mangatarem, may punto ang mga pahayag ni Eleazar dahil sa loob ng 34 na taon niyang paninilbihin sa serbisyo, naranasan niya ang samu’t-saring problema na hinaharap ng ating kapulisan sa sinumpaanng mandato na pagseserbisyo sa publiko.

Sinabi pa ng pambato ng Partido Reporma na ang paglutas ng mga problemang hinaharap ng PNP ang nagtulak sa kanya para pasukin niya ang masalimuot na larangan ng politika.

“Ipagpapatuloy ko ang sinimulang programa na E-Sumbong, na kung saan maaaring gamitin ng ating mamamayan ang lahat ng uri ng mga online platform para ireklamo ang mga pasaway na miyembro ng PNP. Dito ay mapapabilis natin at mapapaunlad din ang monitoring system ng ating mga pulis sa ilalim ng E-Access program na nagsilbing database ng mga cybercriminals at ang kanilang ginagamit na modus operandi para maloko ang ating mga kababayan,” aniya.

Ang pagsulong ng state-of-the-art technology sa PNP ay alinsunod sa adhikain ng tandem nina Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson bilang presidente at Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III bilang pangalawang pangulo na i-digitalize at i-automate ang mga ahensya ng pamahalaan para matuldukan ang problema ng korapsyon sa bansa.

“Ang law enforcement at economic development ay dalawang bagay na hindi maaring paghiwalayin tungo sa maunlad na bansa. Naipakita po natin ang pagtaas ng kumpiyansa, tiwala at respeto ng ating mga kababayan sa ating kapulisan at iyon ang nagtulak sa akin para maipatuloy itong aking serbisyo,” ani Eleazar.

“Bilang isang pupunta sa ganitong bagong yugto sa paglilingkod sa ating bayan, eh I will be focusing, of course, on the perspective of law enforcement na ating nakita naman na hindi natin puwedeng paghiwalayin sa ating economic development,” pagtatapos nito. (ai/mtvn)

Leave a Reply