Eleazar suportado ng 220,000-strong PNP personnel

Eleazar suportado ng 220,000-strong PNP personnel

File photo ni Partido Reporma senatorial bet Guillermo Eleazar noong siya pa ang hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ng PNP. (Photo: Metro News Central)

Ni Tracy Cabrera
MANILA — Tulad ng suportang ibinigay sa mga dating hepe ng Philippine National Police (PNP) na sina Panfilo ‘Ping’ Lacson at Ronald ‘Bato’ Dela Rosa na sa kasalukuyan ay parehong senador ng Republika, inani rin ni dating PNP chief at Partido Reporma senatorial aspirant Guillermo Lorenzo Tolentino Eleazar ang mainit na pagtanggap mula sa hanay ng kapulisan sa kanyang kandidatura sa 2022 national elections.

Sa mga panayam sa ilang mga pulis at kanilang mga opisyal, nakamit ang positibong pananaw para sa 56-anyos na retiradong heneral at sa kabila ito ng kanyang mahigpit na mga polisiya ng disiplina at integridad kaya karamihan ng unipormado at mga sibilyang miyembro ng PNP ang nanindigang tutulungan si Eleazar para makakuha ng puwesto sa Senado.

Isang opisyal sa Camp Crame, na humiling na huwag nang pangalanan para makaiwas na masabing lumahok siya sa partisan politics, ang nagsabing salamat sa disiplinang pinairal ni Eleazar sa kapulisan at ang kanyang pagpapatupad ng Internal Cleansing Program (ICP) ng PNP ay muling nanumbalik ang respeto ng mamamayan sa mga pulis at dahil na rin ito sa pagtalima sa mandato ng pulisya na “magsilbi at protektahan: ang taongbayan.

Pinuna nito na, sa kabila ng mga kritisimo at batikos laban sa pagsasagawa ng mga police operation sa giyera kontra droga ng pamahalaan na kumitil sa libong buhay, naibalik ng ika-26 na PNP chief ang tiwala at kumpiyansa ng publiko at maging mga pamilya at kamaganakan ng sinasabing mga biktima ng tinaguriang ‘extrajudicial killings’(EJK) ay nagpahayag ng paniniwalang ang dating ‘top cop’ ng bansa mula sa Tagkawayan, Quezon ay ‘plus factor’ sa pagsasabatas ng mahahalagang alituntunin na magpapaigting sa mga polisiya ng peace and order at seguridad ng bansa.

“We have faith in his (Eleazar’s) capabilities as a gentleman and officer and we know that he has the PNP and our country in his heart,” wika ng police major.

Isa pang opisyal, na nanilbihan sa ilalim ng liderato ni Eleazar noong siya pa ang hepe ng Quezon City Police District (QCPD), ang pinuri din ang dati niyang direktor na tinukoy ang mahusay na pangangasiwa ni Eleazar na nagdala ng karangalan sa QCPD sa dalawang taong pamumuno nito.

“Marami siyang nagawang magagandang pagbabago at siya rin ang nagbigay ng motto sa amin noon na ‘Proud to be QCPD’,” pagtatapos ng babaeng opisyal. (ai/mtvn)

Leave a Reply