Suporta sa mga lokal na magbababoy itutulak ni Eleazar

Suporta sa mga lokal na magbababoy itutulak ni Eleazar

Ni Tracy Cabrera

MANGATAREM, PANGASINAN — Sa kabila na lilima na lamang na lalawigan sa tatlong rehiyon sa bansa ang mayroon pang mga aktibong kaso ng African Swine Fever (ASF) ayon sa datos mula sa Department of Agriculture (DA), may mahigpit na pangangailangan para makapagbigay ang pamahalaan ng ayuda sa mga lokal magbababoy sanhi ng matinding epekto ng ASF outbreak na nagresulta sa malaking pagkalugi sa industriya kaya itinutulak ngayon ni Partido Reporma senatorial bet Guillermo Eleazar ang pagpapalawig ng pagbibigay ng subsidiya upang maging competitive ang local livestock production laban sa pag-angkat ng karne mula sa ibang bansa.

Pinayagan ng pamahalaan ang pork at livestock importation bilang pamamaraan para mapababa ang mga presyo ng mga meat product subalit sa halip na maibsan ang nararanasang paghihirap ng mga lokal na magbababoy, nagbunsod ito nang matinding kompitensya sa pagpepresyo sa pagitan ng local at imported produce.

Inilagay ang bansa sa state of calamity hanggang Disyembre ng taong kasalukuyan dahil sa ASF outbreak at sa kabila ng pagbaba ng bilang ng mga kaso ng ASF, nananatiling mataas ang presyo ng baboy na idinahilan ng agriculture secretary William Dar na maaaring nagmumula sa agam-agam ng ilang mga magbababoy dahil tanging yaong mga nasa tinaguriang ‘green zone’ area lamang na deklaradong ASF-free ang ngayo’y bukas o operational.

Bilang reaksyon dito, hinayag ni Eleazar na kailangang makapagkaloob ang national government na karagdagan pang suporta sa mga lokal na magbababoy para sa repopulation ng kanilang livestock at bukod sa competitive na halaga ng cash assistance, idinagdag ng dating hepe ng Philippine National Police (PNP) na kailangan din silang mabigyan ng iba pa nilang pangangailangan tulad ng feeds at iba pang mga supply.

“Mas dapat nating suportahan ang pagpapaunlad ng kabuhayan ng mga lokal na magbababoy kaysa mas pagtuunan ang pag-angkat mula sa ibang bansa. Tunay na nakakatulong ang tariff revenues sa ating bansa subalit dapat pa ring maging balanse at hindi mapagiwanan ang mga local hog raisers,” kanyang pinunto.

“Laman ng balita ang kanilang pagdaing dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng baboy at ang isyu ng African swine fever. Siyempre, bukod sa local hog raisers, apektado rin ang ating mga kababayan na umaaray na dahil sa mataas na presyo ng baboy sa palengke,” sabi pa ng retiradong heneral.

At ukol naman sa iligal na pagpasok ng mga imported meat product, idiniin din ni Eleazarna kailangang magtakda ang mga awtoridad ng mas mahihigpit na penalty laban sa mga pork smuggler na ginagamit ang situwasyon ng ASF outbreak para sa pansarili nilang pakinabang at interes.

“Dapat magkaroon ng mas matinding parusa sa mga mahuhuling nagii-smuggle ng baboy sa bansa. Hirap na ang ating mga kababayan kaya’t huwag naman sanang samantalahin pa ang situwasyon,” pagtatapos nito. (ai/mtvn)

Leave a Reply