Alyas ‘Monay’ nadakip sa buy-bust, Eleazar nanawagang magkaisa kontra droga

Alyas ‘Monay’ nadakip sa buy-bust, Eleazar nanawagang magkaisa kontra droga

Ni Tracy Cabrera

File photo ng milyun-milyong drogang nakamkam sa nilansag na drug den sa Quezon  City. (Photo: Philippine News Agency)

MANILA — Sa pagpuna sa malaking pagbaba ng krimen sa nakalipas na limang taon sa ilalim ng administrasyong Duterte administration, binigyang-diin ni dating Philippine National Police (PNP) chief at Partido Reporma senatorial aspirant Guillermo Lorenzo Eleazar ang halaga ng pagpapatuloy at pagpapaigting ng inisyatibo ng pamahalaan na mawakasan ang problema ng drug addiction sa pamamagitan ng mas agresibong kampanya laban sa kalakalan ng iligal na droga.

Sa virtual Kapihan sa Manila Bay breakfast forum, hinayag ng retiradong heneral, na nagdiwang lang ng ika-56 na kaarawan nitong Nobyembre 13, na sa kabila ng pagkakalansag ng mga drug laboratory sa iba’t ibang panig ng kapuluan at gayun na rin sa mga grupo at sindikato, hindi pa rin tuluyang natatapos ang problema natin sa iligal na droga sa Pilipinas gaya ng nakikita sa patuloy na pagkakahuli ng maraming sangkot dito ng ating mga anti-narcotics unit ng PNP at mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

“Hindi basta mapapatigil natin ito (drug addiction) dahil sa marami pa rin tayong nababalitaan na mga kababayan nating nasasangkot sa bisyong ito kaya kailangan nating ipagpatuloy ang paglaban sa salot na ito,” punto ni Eleazar.

Pinuna ng ika-26 na hepe ng PNP na kahit sa panahon ng may pinapairal na mga restriksyon at lockdown sanhi ng Covid-19 pandemic, marami sa ating mamamayan ang nagpapatuloy na gumamit o magbenta ng droga bilang source ng kanilang kabuhayan dahil na rin sa marami ang nawalan ng trabaho o hanapbuhay sanhi ng pagsara ng marmaing mga negosyo at kompanya.

“Napansin nating may ilan pang pinagpipilitan na magbenta pa rin ng droga at sa katunayan nga ay may nagsabi sa akin na maraming kababaihan din ang nai-involve dahil nawalan nga sila ng pagkakakitaan at may iba na ang mga asawa ay natanggal o nawalan ng trabaho,” aniya.

Sa Quezon City, nadakip ng mga awtoridad ang notoryus na drug pusher na si alyas ‘Monay’, o si Wilma Maliwat, 32, ng Barangay Bagong Pag-asa, kasama ang kasapakat nitong si Leopoldo Montives Jr., alyas ‘Jun’, 46, na kabilang sa Directorate for Intelligence drug watch list at residente ng Bgy. Project 6.

Naaresto sina Maliwat at Montives ng mga tauhan ng Masambong Police Station (PS 2) ng Quezon City Police District sa ilalim ni Lieutenant Colonel Richie Claravall matapos magbenta ang mga suspek ng ilang gramo ng shabu sa isang police poseur-buyer sa isinagawang buy-bust operation sa panulukan ng Roosevelt Avenue at E. Beltran Street.

Kasunod nito, inaresto din ng mga pulis mula sa kalapit na Talipapa Police Station (PS 3) sa pangunguna ni Lt. Col. Alexander Barredo ang mga drug suspect na sina Rey Ventura, alyas ‘Igle;, 43; Michael Tamondong, alyas ‘Inggo’, 34; Antonio Alagna, 37; na pawing mga residente ng Bgy. Baesa; at Randy Santos, 38, ng Bgy. Bagbag. (ai/mtvn)

Leave a Reply