Eleazar isusulong ang mas mataas na suweldo at benepisyong nasa oras para sa mga health workers

Eleazar isusulong ang mas mataas na suweldo at benepisyong nasa oras para sa mga health workers

Ilang mga medical workers ay nagpo-protesta sa matagal nang hindi maibigay-bigay na kanilang mga benepisyo sa harapan ng tanggapan ng health department sa Maynila. (Larawan: The Manila Times)

Ni Tracy Cabrera

MANILA — Sa pagbibigay pansin sa ating mga medical at healthcare workers — na sa kabila nang paghirang sa kanila bilang bagong mga bayani — ay hindi pa nakakatanggap ng mga pinangakong allowance at maging mga suweldo sa gitna ng krisis na dala ng pandemya ng coronavirus, pinangako ni Partido Reporma senatorial aspirant Guillermo Lorenzo Eleazar na ipapaprayoridad niya ang pagsulong ng lehislasyon hindi lamang sa pagpapataas ng sahod ng mga frontliner kundi ang napapanahong release ng mga benepisyong nakalaan sa mga ito.

Bilang dating hepe ng Administrative Support for Covid-19 Task Force ng Philippine National Police (PNP-ASCTF), na siyang rumeresponde sa mga pangangailangan ng mga police frontliner sa kampanya laban sa pandemya, inilahad ni Eleazar na personal niyang nasaksihan ang paghihirap sa trabaho at mga sakripisyo ng ating mga healthcare worker, partikular na sa pagsalang ng sarili nilang buhay para magampanan ang kanilang tungkulin at manilbihan ng labis sa kanilang oras upang matugunan ang pangangalaga sa mga nagkasakit na personnel ng PNP.

“Kung kayang pataasin ang suweldo ng mga pulis, sundalo at iba pang mga kawani ng gobyerno, hindi naman siguro kalabisan na ibigay din natin ito sa ating mga health care workers,” wika ng dating PNP chief.

“Hindi sapat ang mga papupuri na sila ay mga bayani, given na iyon na sila talaga ang mga bayani sa panahon ng pademya dahil napatunayan na nila iyon,” kanyang idiniin habang pinasaringan ang mga nasa likod ng pagkabalam ng pag-release ng mga benepisyong nakalaan para sa healthcare worker at gayun din ang mga suweldo ng mga contact tracer na kinuha ng health department, na hanggang sa ngayon makalipas ang mahigit limang buwan ay wala pang natatanggap na kompensasyon.

“Ang isyu ngayon ay huwag nating gugutumin ang ating mga bayani at ibigay ang mga nararapat para sa kanila on time para may motivation sila para magtrabaho at hindi tayo layasan at pumunta sa lugar kung saan sila ay mas pinahahalagahan,” kanyang pinunto.

Tinukoy din ng ika-26 na PNP chief ang mga kaso ng ilang mga viral post ng mga healthcare worker na nagrereklamo hindi lamang sa maliliit nilang allowance at benepisyo kundi maging ang matagal na pag-release ng mga ito sa kabila ng kanilang pagsasaskripisyo para lamang matiyak na maging maayos at matagumpay ang pandemic response program ng pamahalaan.

Hiniyagag din ni Eleazar na aniya hindi dapat ganito ang pagtrato sa ating mga healthcare workers kaya kinakailangang ang proseso ng pagbibigay ng mga allowance at benefits sa ating mga medical personnel ay gawing simple at expedited.

Sa ngayon, maraming mga healthcare worker ang patuloy na nagpoprotesta sa harapan ng Department of Health (DoH) sa Maynila dahil sa hindi pa rin nila natatanggap ang pinangakong mga allowance at benepisyo para sa serbisyong ipinagkaloob nila simula nang magkaroon ng Covid-19 sa bansa noong unang mga buwan ng nakaraang taon. (ai/mtvn)

Leave a Reply