Bilang ng dinadapuan ng COVID-19 sa PNP umimpis na rin

Bilang ng dinadapuan ng COVID-19 sa PNP umimpis na rin

Ni Arwen Pascua

MANILA — Dalawa pang pulis ang dinapuan ng COVID-19 subalit walo naman ang gumaling, ayon sa datos ng Philippine National Police (PNP)-Health Service.

Dahil sa nasabing dagdag-bawas na kaso ng coronavirus disease sa police force, mayroon na lamang 60 aktibong kaso ngayon na maituturing na pinakamababa sa organisashyon simula noong isang taon.

Hanggang kahapon, Nobyembre 28, pumalo na sa 42,006 ang bilang ng mga pulis na gumaling sa sakit habang ang naitalang kabuuang kaso ay 42,191 smula ng outbreak noong Marso 2020.

Wala namang naitalang bagong nasawi sa PNP personnel kaya nananatili sa 125 ang bilang ng nasawi simula nang maitala ang first death noong Abril 2020.

Bagama’t umimmpis na ang bilang ng kapulisan na nagpopositibo, puspusan pa rin ang paalala ni PNP chief Gen. Dioanardo Carlos sa kanyang mga tauhan na mag-ingat pa rin laban sa sakit lalo na’t nananatili pa rin itong nakahahawa kahit pa halos buong puwersa nila ay bakunado na.

Sa kabuuang 225,803 bilang na tauhan ng PNP, nasa 210,754 na ang fully vaccinated; 13,080 ang nakatanggap na ng unang dose ng COVID-19 vaccines.

Mayroon pang 1,969 pulis ang hindi pa nababakunahan kung saan ang 859 ay may balidong dahilan gaya ng kanilang kondisyon habang 1,110 ang matatawag na hindi pa kumbinsidong magpabakuna.

(ai/mtvn)

Leave a Reply