Mga bantulot hinimok ni Eleazar na magpabakuna para maprotektahan laban sa Covid-19

Mga bantulot hinimok ni Eleazar na magpabakuna para maprotektahan laban sa Covid-19

Ni Tracy Cabrera

Hinahanda ang bakuna ng isang nurse para sa kanyang pasyente sa isang vaccination center sa Maynila (Larawan: The Straight Times)

MANILA — Kasunod ng anunsyo mula sa Department of Health (DoH) na sisimulan ngayong araw na ito ang pagbibigay ng mga booster shot sa mga nakakumpleto na ng bakuna, hiniling ni Partido Reporma senatorial aspirant Guillermo Eleazar yaong hindi pa nababakunahan ng kahit isang dose na pakinabangan ang libreng vaccination program ng pamahalaan para maprotektahan sila laban sa Covid-19, lalo na sa banta ng bagong South African Covid mutation na pinangalanang Omicron ng World Health Organization (WHO).

Sa ilalim ng inilabas na mga guideline ng kagawaRan ng kalusugan, available ang mga homologous dose (magkahintulad na brand) sa mga tumanggap ng bakunang gawa ng Sinovac, AstraZeneca, Pfizer at Moderna bilang primary vaccine at tanging ang Sputnik V lang at Janssen ang wala pang booster shot dahil hinihintay pa ng mga awtoridad ang pagdating ng supply ng mga ito.

Para naman sa mga heterologous dose (magkahalong brand), sinabi ng DoH na maaaring ibigay ang bakuna ng AstraZeneca, Pfizer at Moderna bilang booster shot o karagdagang dose para sa mga nabakunahan ng bakuna ng Sinovac, Sputnik V at Janssen.

Maaari ding ibigay ang Pfizer at Moderna sa mga binakunahan ng AstraZeneca at Moderna at gayun din ang AstraZeneca at Pfizer para sa mga Moderna shot.

Hinayag ni health undersecretary Maria Rosario Vergeire na yaong 18 pataas and labis ay maaaaring mabigyan ng booster shot makalipas ang anim na buwan matapos ang ikalawang dose para sa lahat ng bakuna liban lang sa Janssen, na kakailanganin ang tatlong buwan makaraan ang isang dose.

Pinaalalahanan din ni Vergeire ang mga local government unit (LGU) na gawing prayoridad ang pagbabakuna sa mga health-care workers, senior citizen at immune-compromised na indibiduwal.

Sa kabila ng mga inisyatibo ng pamahalaan na makamit ang herd immunity para sa general public na may layuning maabot ang 80 porsyentong pagbabakuna sa kabuuang populasyon ng bansa, sa huling talaan ay 33.6 porsyento lang o 36.9 milyong katao pa lang ang nabakunahan mula sa 89.1 milyong dose na pinamahagi ng gobyerno.

Bilang reaksyon, binigyang-pansin ni Eleazar na maraming mga tao pa ring ang may agam-agam nma magpabakuna o kaya nama’y ayaw maturukan sa iba’t ibang kadahilanan mula sa pangamba sa maaaring maging side effect ng bakuna o sanhi ng kakulangan ng edukasyon at kaalaman hanggang sa mga relihiyosong paniniwala.

“Kaya nga ang sinasabi ko ay dapat na magsagawa tayo ng malawakang information campaign dahil marami sa ating mga kababayan ang bantulot na magpabakuna at ito ay dahil sa kulang ang kaalaman nila sa halaga ng bakuna, lalo na iyong mga nasa malalayong lugar na halos hindi naaabot ng sapat na komunikasyon o impormasyon,” pinunto ng dating hepe ng Philippine National Police.

Idinagdag nito na kailangang makahanap ang mga local government official hanggang sa antas ng barangay ng mga pamamaraan para makumbinsi ang kanilang mga nasasakupan na magpabakuna na.

“Nagsimula na nga tayo ng booster shots e marami pa rin ang hindi pa nga nababakunahan kahit isang beses. Ito ang dapat nating harapin at solusyunan—ang makumbinsi na tayong lahat ay magkaroon ng proteksyon laban sa Covid-19,” kanyang idiniin. (AI/MTVN)

Leave a Reply