Panukalang dagdagan ang benepisyo ng mga solo parent suportado ng Partido Reporma

Panukalang dagdagan ang benepisyo ng mga solo parent suportado ng Partido Reporma

Ni Tracy Cabrera
MANILA — Suportado ng Partido Reporma ang pagbibigay ng mga benepisyo sa mga sektor na nangangailangan ng tulong tulad ng mga solo at single parent.

Maliban dito, ang pagtataguyod ng kanilang pamilya pati na ang pagbibigay ng trabaho o hanapbuhay sa kanila ay kasama rin sa programang ito dahil marami sa mga pribadong kompanya ay mas pinipili ang mga aplikanteng binata o dalaga at walang supling.
Kaugnay nito, nagpahayag ng buong suporta si Partido Reporma senatorial candidate Guillermo Eleazar sa panuklalang amyendahan ang Solo Parents’ Welfare Act of 2000 at palawigin ang ibinibigay nitong mga benepisyo at coverage para maibsan at makatulong sa kalagayan ng mga solo parent na kadalasan ay nahaharap sa mga problema ng kakulangan ng pagmumulan ng ikabubuhay ng kanilang pamilya.

“Alam naman nating mahirap ang kalagayan ng mga single parent o yaong mga magulang na nagso-solo sa pag-aaruga ng kanilang mga anak. Maaaring iniwan sila o hiniwalayan ng kani-kanilang asawa at dahil nga sa may dinadalang problema ng pagpapalaki sa kanilang anak, madalas ay hindi sila natatanggap sa trabaho kaya talagang hirap sila at kailangan ng mga benepisyo mula sa ating pamahalaan,” wika ng dating hepe ng Philippine National Police (PNP).

“Makakabuti kung magagawa nating isabatas ang paraan para matulungan sila at todo supoirta ako sa pagbibigay benepisyo sa kanila dahil tunay ang kanilang pangangailangan para mabuhay ng maayos na isang bagay nakarapatan ng bawat nilalang na makamit mula sa gobyerno,” dagdag pa nito.

Kasunod ito ng pag-apruba sa ikalawang pagbasa ng Senate Bill No. 1411 o ang panukalang Expanded Solo Parents Welfare Act of 2020.

Ayon sa Senate Twitter post, kabilang sa aamyendahan sa SBN 1411 ang ay requirement na magsumite ng sworn affidavit na nagdedeklara na ang isang solo parent ay walang kinakasamang partner o co-parent at nasa kanyang kustodiya at dala ang sole parental responsibility sa kanyang anak o mga supling.

Nilinaw sa panukala ang solo parent bilang magulan o guardian (na maaaring kamaganak) na siyang nag-aalaga ng anak o mga supling ng isang overseas worker. Sa dating bill, tanging mga asawa lamang ng overseas worker ang kinokonsidera bilang solo parent.

Kabilang din sa SB No. 1411 ang mga lolo’t lola, na mayroong tanging parental responsibility sa kanilang mga apo sa pagagarantiya na sila ay mga senior citizen at may karapatang tumanggap ng mga benepisyo sa ilalim ng Expanded Solo Parents Welfare Act ng 2020 at Expanded Senior Citizens Act ng 2003. (ai/mtvn)

Leave a Reply