COMMONWEALTH AVENUE ‘DI-MAHULUGANG KARAYOM SA DAMI NG BBM-SARA SUPPORTERS

COMMONWEALTH AVENUE ‘DI-MAHULUGANG KARAYOM SA DAMI NG BBM-SARA SUPPORTERS

By MTVN Reportorial Team

Dinagsa ng daang libong mga taga-suporta ni presidential aspirant Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. at vice presidential aspirant Mayor Inday Sara Duterte ang kahabaan ng Commonwealth Avenue para ipakita ang kanilang solidong suporta sa tambalan.

Ang nasabing caravan ay inorganisa ng Malayang Quezon City sa pangunguna ni Mayoral aspirant Mike Defensor at dinaluhan ng ibat-ibang grupo at residente ng Quezon City, maging taga-ibang lungsod ay nagpakita din ng kanilang mainit na pagmamahal at pakikibahagi sa BBM-Sara UniTeam Caravan.

Kanya-kanyang wagayway ng mga kamay at sigaw ng may pagmamahal ang bawat supporter para ipaabot ang kanilang mensahe sa tambalang BBM-Sara UniTeam, “Bongbong-Sara!” ang lumalabas sa bibig at nangingibabaw na salita sa bawat arangkada at andar ng sasakyan ng UniTeam.

Dahil sa dami ng supporter na dumalo naging mabagal ang usad ng caravan kung saan ang ilan ay nakikitang naglalakad na lamang, ang ilan naman ay pumatong na sa ibabaw ng sasakyan, umakyat sa footbridge, at sa ilang mataas na bahagi upang masilayan lamang ang BBM-Sara UniTeam.

“Ito ang aming pwersa!” mariing paglalarawan ng ilang grupo at patutsada umano sa mga humaharang sa kagustuhan ng taumbayan, habang ang ilan ay watawat ng Pilipinas ang bitbit pahiwatig na ang BBM-Sara ang gusto nilang susunod na presidente at bise presidente ng Pilipinas.

Sa kabuoan ay naging mainit at buo ang suporta ng mga taga-Quezon City sa BBM-Sara UniTeam na syang dahilan ng di-mahulugang karayom na bilang ng mga supporters sa kahabaan ng kalsada sa Commonwealth Avenue. (mtvn)

Leave a Reply