Reaksyon ni Eleazar sa Lamitan shootout: Dapat pahalagahan ang ‘peace and order’

Reaksyon ni Eleazar sa Lamitan shootout: Dapat pahalagahan ang ‘peace and order’

Agad na rumesponde ang pulisya sa crime scene na kung saan napatay si Al-Barka mayor Darusalam Lajid at isang driver escort at nasugatan naman si Akbar mayor Alih Salih na tinambangan ng apat na salarin sa Barangay Baliwsan dalawang araw pa lang ang nakakalipas. (Larawan mula sa Philippine News Agency)

Ni Tracy Cabrera
MANILA — Bilang reaksyon sa pagkamatay ng isang pulis at murder suspek sa isang shootout na naganap kamakailan sa Lamitan City, Basilan, muling hinayag ni dating Philippine National Police (PNP) chief at senatorial aspirant Guillermo Lorenzo Eleazar kung bakit nais niyang pagtuunan ng pansin bilang bahagi ng kanyang legislative agenda na paigtingin ang ‘peace and order’ sa buong bansa.

Sa pinakahuling report mula sa Basilan, nangyari umano ang shootout nang magsisilbi sana ang mga awtoridad noong kinahapunan ng Martes, Disyembre 7, ng isang warrant para sa kasong murder na inilabas ni Isabela City Regional Trial Court Branch 2 acting presiding judge Grace Tillah para kay Jerry Omar Harayin, na kilala din bilang Borhan Harayin.

Ayon kay Brigadier General Domingo Gobway, commander ng Philippine Army Joint Task Force Basilan, nasa loob ng kanyang tahanan si Harayin sa Barangay Baas sa Lamitan City nang dumating ang mga miyembro ng Special Action Force (SAF) sa pamumuno ni Major Samuel Mangetag Jr. para isilbi ang arrest warrant.

Dangan nga lang ay naramdaman ng suspek ang presensya ng mga pulis at walang babalang pinaputukan ang mga ito kaya nagkapalitan ng putok ang magkabilang panig.
Isang miyembro ng SAF, na kinilalang si Corporal Nizar Alijam, ang nasugatan sa insidente subalit namatay din ito habang sumasailalim sa medical treatment isang ospital, dagdag ni Gobway. Isa ring 15-anyos na binatilyo ang nasugatan.

Sa pagdalamhati sa pagkamatay ng pulis na si Alijam, idiniin ni Eleazar ang kahalagahan ng pagpapairal ng peace and order hindi lamang sa mga urbanized center tulad ng Kalakhang Maynila kundi maging sa mga malalayong lugar at lalawigan para bigyang-pansin din kung gaano kahirap na makamit ang katatagan sa eknomiya kung walang kaayusan at kapayapaan sa buong kapuluan.

“Sapat nang dahilan ang mga pangyayaring ganito sa Lamitan para makita nating ang halaga ng pagkakaroon ng kapayapaan at kaayusan sa ating bansa. Hindi natin makakamit ang kaunlaran at katiwasayan kung may kaguluhan sa atin kaya dapat nating pagtuunan ng pansin ito,” pinunto ng ika-26 na hepe ng PNP.

Sa panayam naman kay Basilan Police Provincial Mobile Force Company commander Lieutenant Colonel John Cundo hinayag nito na nasangkot si Harayin ilang mga kaso ng pagpatay, kabilang na ang pamamaslang sa kanyang tiyuhin at pinsan, at upang matakasan ang kanyang liyabilidad, nagtago ang suspek sa isang komunidad ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) gamit ang pangalang Borhan.

Nakamkam mula sa pag-aari ni Harayin ang isang identification card na nagsasabing isa siyang aktibong miyembro ng Bangsamoro Islamic Armed Forces (BIAF), ang armadong grupo ng MILF na nasa proseso ngayon ng decommissioning.

Sa pagtatapos, nilinaw ni Cundo na ang binatilyong nabaril sa shoot ay sa katunayan driver ni Harayin. (ai/mtvn)

Leave a Reply