Bagong EO para sa maximum retail at wholesale price ng medisina welcome kay Eleazar

Bagong EO para sa maximum retail at wholesale price ng medisina welcome kay Eleazar

Ni Tracy Cabrera
MANILA — Kasunod ng direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa pagtakda ng maximum retail at wholesale price (MRP at MWP) sa karagdagan pang mga medisina para mapabuti pa ang access sa health care ng mga Pilipino, pinuri ni senatorial aspirant Guillermo Lorenzo ‘Gaylor’ Eleazar ang nasabing kautusan.

Aniya, makakatulong ito para maibsan ang paghihirap na nararanasan ng karamihan ng mamamayan ukol sa kanilang mga pangangailangan sa kalusugan, partikular na ang mga senior citizens na nahaharap sa mamahaling mga gamot na ginagamit sa kanilang maintenance medicine o therapeutic regimen.
Kahapon lang inilabas ni Duterte ang Executive Order (EO) No. 155 para tugunan ang kahilingang mapalawig ang bilang ng mga medisina at gamot na pangkaraniwang ginagamit para sa mga pangunahing dahilan ng morbidity sa bansa na sakop ng mga MRP a MWP.

Ayon sa mga opisyal sa Malacanang, ang EO ng pangulo ay sisimulang ipatupad matapos ang publication nito sa Official Gazette alinsunod sa overall strategy ng pamahalaan sa ilalim ng Republic Act No. 11223, o ang Universal Health Care Act, para mapabuti ang access ng publiko sa affordable at dekalidad na medisina at mabawasan din ang mga health-related out-of-pocket na gastusin ng mga Pilipino.

Pinuri ni Eleazar, na kasalukuyang tumatakbo para sa pagkasenador sa ilalim ng Partido Reporma na pinamumunuan nina senador Panfilo ‘Ping’ Lacson para sa pagkapresidente at Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III para sa bise-presidente, ang desisyon ng punong ehekutibo na lagdaan ang EO 155 para sa pagpapalawig sa polisiya ng access sa healthcare sa pamamagitan ng pagtakda ng regulasyon sa presyo sa retail ng mga medisina.

“We are grateful for the support and genuine care of our president in looking out for the health of our people. This will propel us toward Universal Health Care which will broaden our agenda to make comfortable lives for all Filipinos,” pinunto ng dating hepe ng Philippine National Police (PNP).

“Malaki ang maitutulong nito sa ating mga kababayan na nangangailangan ng mga maintenance drugs para sa iba’t ibang mga sakit, tulad ng hypertension, diabetes, heart disease, chronic lung diseases at cancers at gayun din sa mga high-cost treatment para sa prematurity, chronic renal disease, psoriasis at rheumatoid arthritis,” konklusyon ni Eleazar.

(ai/mtvn)

Leave a Reply