Agri sector isasama sa legislative agenda ni Eleazar

Agri sector isasama sa legislative agenda ni Eleazar

Si retired PNP general Guillermo Eleazar noong dumalaw siya sa kanyang bayan ng Tagcawayan at siya pa ang chief PNP. (Larawan: RMN Networks)

Ni Tracy Cabrera
TAGCAWAYAN, QUEZON — Sa pagdalaw sa kanyang pinagmulang bayan, pinangako ni Partido Reporma senatorial aspirant Guillermo Eleazar na isasama niya bilang bahagi ng kanyang legislative agenda ang pagsulong ng mga inisyatibong magpapalakas at magpapalawig ng sektor ng agrikultura upang magkaroon ng seguridad sa pagkain ang milyun-milyong mga Pilipino, partikular na ang mga magsasaka at mangingisda na kung minsa’y hindi nabibigyan ng ayuda ng pamahalaan dahil na rin sa pagtuon sa industriyalisasyon at imprastraktura ng ating mga economic manager.

Kasunod ito ng pahayag ng Department of Agriculture (DA) ukol sa plano nitong magsagawa ng inclusive at holistic approach para mapabilis ang pagbabago ng agrikultura ng bansa alinsunod sa mga mahahalagang stratehiya ng adminsitrasyong Duterte sa ilalim ng One DA Reform Agenda.

Sa Prosperidad, Agusan del Sur nitong Martes, pinangunahan ni agriculture secretary William Dar ang pamamahagi ng PhP159.6 milyong financial assistance at implementasyon ng mga agri-fishery project sa Caraga Administrative Region (Caraga) na makakatulonmg sa mga magsasaka, mangingisda at local government unit (LGUs).

“The agency envisions a food-secure Philippines with prosperous farmers and fishers. To do this, all programs and projects are aligned to the four pillars of the OneDA Reform Agenda: Modernization, Consolidation, Industrialization, and Professionalization will be in partnership with the LGUs,” wika ni Dar nang dumalaw sa Caraga.

Batay rito idiniin ni Eleazar ang mahalagang bahagi ng mga LGU sa pagpapataas ng produktibidad at profitability sa lokal na antas sa pamamagitan ng mga agri-fishery extension service at sinabi pa na sa pagpapatuloy ng kagawaran ng agrikultura sa nationwide roll-out nito ng Rice Competitiveness Enhancement Fund-Rice Farmers Financial Assistance (RCEF-RFFA) Program, kinakailangang maibigay ang nationwide assistance sa sektor ng agrikultura para matiyak ang ating food security.

“Dati ay hindi naman natin kailangang mag-import ng mga agriculture products at tayo pa ang nag-e-export sa ibang mga bansa dito sa Asya at maging sa Europe at Amerika. Ito ang dapat din nating pagtuunan ng pansin dahil mahalaga na nakakapag-produce tayo ng sarili nating pagkain para hindi tayo maging dependent sa importation,” kanyang pinunto.

Ayon sa retiradong heneral, plano niya umanong sulong ang mga polisiya at programa na magpapalawig sa produktibidad sa bansa para magkaroon tayo ng matatag na food supply na inani natin dito at hindi inangkat.

“Kilala naman tayo bilang isang agricultural country at mayaman din tayo sa marine resources kaya kung talagang aasikasuhin nating mabuti ang pagpapalawig ng ating agriculture sector, makakamit natin ang inaasam nating katiwasayan na hindi umaasa sa pag-angkat mula sa ibang bansa ng ating mga pangangailangan tulad ng bigas, asukal at isda at maging mga gulay,” pagtatapos ni Eleazar. (ai/mtvn)

Leave a Reply