Dating TF Covid Shield chief nagpaalala sa pagsunod sa health protocols

Dating TF Covid Shield chief nagpaalala sa pagsunod sa health protocols

By Tracy Cabrera

TAGCAWAYAN, QUEOZN — Sa gitna ng banta ng bagong Covid-19 Omicron variant, nagpapaalala si senatorial aspirant Guillermo Lorenzo ‘Gaylor’ Eleazar sa mga Pilipino na ipagpatuloy ang pagsunod sa mga minimum health safety protocol na itinakda ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) sa kabila ng magandang pinapakita ng pandemic response ng bansa at pagkabawas sa bilang ng mga aktibong kaso ng Covid-19.

“Pinapaalalahanan ko po ang ating mga kababayan at publiko na ipagpatuloy natin ang pag-iingat at sundin ang mga required health protocol, partikular na sa mga public gatherings o pagtitipun-tipon, tulad ng mga family celebration, social function at iba pang mga aktibidad na dadaluhan ng maraming tao,” wika ni Eleazar, na minsang pinamunuan ang Task Force Covid Shield, sa kanyang pahayag habang dumalaw sa kanyang bayan ng Tagcawayan sa Quezon.

Nakipagdaupang-palad ang dating hepe ng Philippine National Police (PNP) sa ilang mga lokal na opisyal at kanyang mga kababayan, kabilang na ang mga magsasaka at mangingisda na mainit na sumalubong sa retiradong heneral para ibigay ang suporta sa kanyang kandidatura sa ilalim ng Partido Reporma na pinangungunahan nina senador Panfilo ‘Ping’ Lacson para presidente at Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III para sa bise-presidente.

Idiniin ni Eleazar na habang inabot na ng bansa ang ilang mga milestone sa pandemic response nito, ang banta ng Covid-19 ay nananatiling ‘clear and present danger’.

“Iwasan po natin ang pagiging kampante kahit pa bumababa na ang bilang ng mga kaso ng Covid. Kahit pinaluwag na ng mga awtoiridad ang mga restriksyon ay kailangan pa rin tayong mag-ingat para hindi masayang ang mga pinaghirapan natin sa nakaraang halos dalawang taon,” kanyang pinunto.

Sa talaan hanggang Miyerkoles, mahigit 94.2 milyon nang pagbabakuna ang naisagawa, kabilang ang 39.5 milyong Pinoy na fully vaccinated at ayon sa Department of Health (DoH), ang bansa sa ngayon ay nasa minimal risk sa pagkalat ng severe acute respiratory syndrome-coronavirus 2 o SARS-CoV-2 habanga ng National Capital Region ay klinasipika bilang ‘low-risk’ at ang utilization rate ng Covid-19 bed at intensive care unit ay bumaba na sa 50 porsyento.

Sa kabila nito, hinimok ng Partido Reporma ‘senatoriable’ na maging maingat, partikular na sa mga pagtitipun-tipon ngayon Kapaskuhan at maging sa mga political rally.

“Nauunawaan natin ang tradisyong Pinoy patungkol sa Kapaskuhan at iginagalang naman natin ang karapatan ng ating mga mamamayan na magpahayag ng kanilang saloobing political subalit kailangan talaga nating maging maingat dahil para din naman sa ating proteksyon ‘yan at kaligtasan,” ani Eleazar. (AI/MTVN)

Leave a Reply