Kalbaryo sa pagsakay ng mga pasahero sa Commonwealth Avenue patuloy!

Kalbaryo sa pagsakay ng mga pasahero sa Commonwealth Avenue patuloy!

Hitik ang mga commuters sa Commonwealth Avenue dahil kulang ang sasakyan (PhilStar courtesy)

Ang Commonwealth Avenue ang sinasabing pinakamalapad na highway sa Metro Manila.  Naguumpisa ito sa may Quezon Memorial Circle hanggang sa may Quirino highway. 

Ang kabuuan nito ay sakop ng Quezon City at ang kabilaang banda ay ang pinakamalalaking barangay ng Quezon City – Old Capitol site, San Vicente, UP Campus, Culiat, Matandang Balara, Commonwealth, Batasan, Holy Spirit, Fairview, Lagro, at iba pa. 

Ito rin ang gateway ng mga pasahero na nanggagaling sa mga karating bayan ng Caloocan, San Jose del Monte, Rodriguez, San mateo. Kaya naman tuwing rush hour ay kalbaryo sa mga pasahero ang makasakay. 

Kulang na kulang ang public transport at malimit ay mga colorum na lang ang sinasakyan ng karamihan. Sa pagdinig sa Senado bilang QC Action Officer ng Transport at Traffic noon, sinabi ko na ang Commonwealth ay isang “emergency situation,” araw-araw. 

Sa aking pagaaral, lumabas sa mga datos na punuan na ang mga bus na nanggagaling sa may Robinson SM Fairview dahil ang mga pasahero na galing sa Caloocan at Novaliches ay sumasakay na doon alas kuatro pa lang ng madaling araw. 

Ang galing naman San Jose del Monte ay puno na rin ng pasahero galing Bulacan, kaya pagdating nito sa Doña Carmen, Batasan, at iba pang lugar na pinanggagalingan ng pasahero, ay punuan na talaga. 

Kinausap ko ang MMDA noon at ipinaliwanag ang ganitong sitwasyon. Ang aking solusyon noon ay maglagay kaagad ng mga bus na ide-dispatch sa ilang lugar sa Commonwealth para makasakay ng maalwan ang mga pasahero sa ibat-ibang bahagi ng Commonwealth.  

Guminhawa man lang ng bahagya ang sitwasyon ngunit hindi ko na naituloy ang official na koordinasyon sa MMDA nang bumalik na ulit ako sa pribadong buhay.   

Ngayon ay problema pa rin ang pagsakay sa Commonwealth Avenue.  

Kailangan ng mas maraming point of origin ang mga buses at hindi lang sa SM Fairview.   

Halimbawa sa may Doña Carmen at Batasan – dapat doon magmula ang public transport para ang mga pasahero doon ay makasakay agad at hindi laging chance passenger sila. Dalawa hanggang tatlong oras na paghihintay ang mga pasahero para lang makasakay. 

Marahil pag nag operate na ang MRT ay masosolusyunan na ito. Pero habang wala pa, ang panawagan ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) ay maglagay na ng dispatching ng mga bus at public transport sa ibat ibang bahagi ng Commonwealth Avenue.

(ai/mtvn)

Leave a Reply