Pinakamataas na bilang ng Covid naitala ngayong Sabado

Pinakamataas na bilang ng Covid naitala ngayong Sabado

Ni Amado Inigo

MANILA — Ito na marahil ang pinakamataas na bilang ng mga kaso ng Covid-19 sa loob ng isang araw mula ng outbreak nito noong Marso 2020.

Nitong alas-4 ng hapon ng Sabado (Enero 8, 2022) iniulat ng Department of Health na nakapagtala ito ng 26,458 na karagdagang kaso ng COVID-19, pinakamataas sa loob lamang ng isang araw na pinaniniwalaang sanhi ng pinagsamang Omicron at Delta variants ng virus.

Gayunpaman, meron namang naitalang 1,656 na gumaling at 265 naman na pumanaw.

Sa kabuuang bilang ng mga naitalang kaso sa bansa, 3.5% (102,017) ang aktibong kaso, 94.8% (2,782,723) na ang gumaling, at 1.78% (52,135) ang namatay.

Ayon sa pinakahuling ulat, lahat ng mga laboratoryo ay operational noong January 6, 2022 habang mayroong anim (6) laboratoryo na hindi nakapagsumite ng datos sa COVID-19 Document Repository System (CDRS).

Base sa datos sa nakaraang 14 na araw, ang kontribusyon ng anim (6) na laboratoryong ito ay humigit kumulang 3.6% sa lahat ng samples na naitest at 5.4% sa lahat ng positibong mga indibidwal.

Bagama’t sinasabing mas mahina ang Omicron sa Delta, pinapaalalahanan pa rin ang lahat na huwag maging kampante sa banta ng COVID-19.

Bagkus, dapat natin ipagpatuloy ang tamang pagsunod sa minimum public health standards at laging magsuot ng facemask, mag-physical distancing, at maghugas ng kamay.

Sa oras na makaramdam ng sintomas, AGAD NA MAG-ISOLATE at magpatest. Tandaan ang right test at the right time.

Agad rin na magpabakuna upang makakuha ng dagdag na proteksyon laban sa COVID-19.

Para sa karagdagang detalye, bisitahin lamang pampublikong site ng DOH: http://www.doh.gov.ph/covid19tracker. (ai/mtvn)

Leave a Reply