Buong suporta ng gobyerno sa medical research ng mga siyentistang Pinoy hiniling ni Pacquiao

Buong suporta ng gobyerno sa medical research ng mga siyentistang Pinoy hiniling ni Pacquiao

Nagsasagawa ang mga researchers ng variant detection sa mga sample mula sa Covid-19 diagnostic laboratory sa Philippine Genome Center sa Mindanao. (Larawan mula sa Sunstar)

Ni Tracy Cabrera
MAYNILA — Hinihiling sa gobyerno ni senador at PROMDI presidential aspirant Manny Pacquiao ang all-out na suporta nito para sa medical research at development upang mapaigting ang kahandaan ng bansa sa pagtugon sa mga pandemya tulad ng severe acute respiratory syndrome-coronavirus 2 o SARS-CoV-2 na sanhi ng Covid-19 at gayun na rin sa iba pang mga problemang pangkalusugan.
Sa opisyal na pahayag, sinabi ni Pacquiao na ang mga suliranin na nakaharap ng mga awtoridad sa simula pa lang ng pandemya at sa mga usapin ng availability ng mga bakuna at kakulangan sa mga medisina at maging sa mga hiringgilyang gagamitin sa pagbabakuna ay dapat na magsilbing ‘wake-up call’ sa ating mga opsiyal na malamang mahalaga ang pagkakaroon ng support system sa ating mga siyentista.

“Sa halos dalawang taon na nating nilalabanan ang pandemya, ang malungkot na reyalidad na nakita natin ay ang patuloy nating pag-asa sa ibang bansa ukol sa lahat ng kagamitan para makapagsagawa ng sapat na pagtugon sa Covid-19 at iba pang mga sakit,” wika ni Manny Pacquiao na tinaguriang Pambansang Kamao.

“Lagi naman nating sinasabi na magagaling ang ating mga siyentista pero hanggang ngayon ay wala tayong masasabing sariling bakuna, wala tayong sariling mga gamot, wala tayong sariling mga test kits at pati mga syringe at face mask ay puro na lang imported mula sa ibang bansa,” aniya.

Pinuri naman ni Pacquiao ang inisyatibo ni Pangulong Rodrigo Duterte na mapalawig ang mga pag-aaral at research sa agham na isinasagawa ng ating mga Pinoy scientist sa larangan ng medisina at iba pang mga kaugnay na sangay ng siyensya.

Pinarangalan ng PROMDI standard-bearer ang Balik Scientist Program na pinasimulan ng administrasyong Duterte, na ayon sa eight-division world champion ay magandang panimula na nagsisilbi ng pagpapahayag ng pamahalaan ng kanilang pagpapahalaga sa pagsuprta sa siyensya at teknolohiya.
Bukod dito, idiniin din ng senador na isa pang programa ng gobyerno na dapat suportahan ay ang pagbibigay ng tulong sa ating mga student scientist, na tumutukoy sa kailangan nilang mga kagamitan at gayun din ang mga scholarship at educational grant sa mga lokal at internasyonal na institusyon at karagdagang incentive system para sa lahat ng ating mga siyentista.

“Kailangan na nating kumilos para bigyan ng halaga at suporta ang ating mga scientist dahil sa ganitong paraan ay magagawa nating makagawa ng Filipino-made na mga bakuna, gamot at iba pang mga bagay sa larangan ng kalusugan at medisina. Hindi puwede lagi na lang tayong nganga dahil sa huli ay malalagay tayo sa hindi magandang situwasyon tulad ngayon,” pagtatapos ni Pacquiao. (ai/mtvn)

Leave a Reply