Kaso ng Covid bahagyang bumaba nitong Martes

Kaso ng Covid bahagyang bumaba nitong Martes

Ni Amado Inigo

MANILA — Bahagyang bumaba ang kaso ng coronavirus sa buong kapuluan nitong Martes (11 January 2022) sa gitna ng pinaniniwalaang dobleng atake ng Delta at Omicron variants ng virus.

Nitong alas-4 ng hapon ngayong Martes (Enero 11, 2022) inulat ng Department of Health na nakapagtala ito ng 28,007 na karagdagang kaso ng COVID-19, mas mababa sa naitalang mahigit 33K noong Lunes.

Sa kabilang banda, mayroon namang naitalang 4,471 na gumaling at 219 na pumanaw ayon sa DOH.

Samantala, sa isang virtual press briefing sinabi ni acting Palace spokesman Karlo Alexei Nograles na handa na diumano ang gobyernong Duterte sakaling kailanganing iakyat pa ang alert level status sa National Capital Region (NCR) sa No. 4 pati na sa karatig probinsya nito.

Nakadepende lamang aniya ang desisyon sa pag-angat ng healthcare utilization rate (HCUR) sa NCR kung kaya’t iaakyat ito sa Alert Level 4.

Sa kabuuang bilang ng mga naitalang kaso sa bansa nitong Martes, 6.0% (181,016) na ang aktibong kaso, 92.3% (2,792,946) na ang gumaling, at 1.74% (52,511) ang bilang ng mga pumanaw.

Ayon sa pinakahuling ulat, lahat ng mga laboratoryo ay operational noong January 9, 2022 habang mayroong 12 laboratoryo na hindi nakapagsumite ng datos sa COVID-19 Document Repository System (CDRS) ng sumunod na araw.

Base sa datos sa nakaraang 14 na araw, ang kontribusyon ng 12 labs na ito ay humigit kumulang 4.2% sa lahat ng samples na naitest at 5.5% sa lahat ng positibong mga indibidwal.

Gayunpaman, pinaalalahanan ng DOH ang lahat na huwag maging kampante sa banta ng COVID-19.

Bagkus, dapat na ipagpatuloy ang tamang pagsunod sa minimum public health standards at ang palagiang pagsusuot ng facemask, physical distancing, at maghugas ng kamay.

Idinagdag pa ng ahensiya na sa oras na makaramdam ng sintomas, AGAD NA MAG-ISOLATE at magpatest.

“Tandaan ang right test at the right time. Agad rin na magpabakuna upang makakuha ng dagdag na proteksyon laban sa COVID-19,” dagdg pa ng DOH.

Para sa karagdagang detalye, bisitahin ang pampublikong website ng DOH na http://www.doh.gov.ph/covid19tracker.

(AI/MTVN)

Leave a Reply