Sotto, Pacquiao kontra sa ‘no vax, no ride’ policy

Sotto, Pacquiao kontra sa ‘no vax, no ride’ policy

Binatikos ng mga NGO ang ‘no vaccination, no ride’ policy sa pampublikong transportasyon. (Larawan mula sa British Broadcasting Corporation)

MANILA — Itinuturing ni Senate president Vicente ‘Tito’ Sotto III na malaking diskriminasyon ang desisyong “no vax, no ride policy” gayundin si Senator at PROMDI presidential aspirant Emmanuel ‘Manny’ Pacquiao na mariin ding tumatanggi sa polisiyang ito dahil aniya, mas makabubuti sa pamahalaan kung magbibigay ito ng libreng rapid antigen at RT-PCR Covid tests sa publiko.

Partikular na binatikos ni Sotto ang ‘no vaccine, no ride’ policy na ipapatupad sa mga pampublikong transportasyon at hiniling nito sa gobyerno na maging malikhain sa pagkumbinsi o paghimok sa mamamayan na magpabakuna na para sa kanilang proteksyon sa kalusugan.

“Malacanang’s policy is discriminating and it would only stir resentment among the unvaccinated, all the more discouraging them from getting the vaccine against Covid-19,” aniya.

Sa kabilang dako, kinuwestyon ni Pacquiao ang kailangan na maayos at mapagkakatiwalaang contact tracing mobile application habang pinunto na mas matutugunan ng bansa ang pandemya sa pamamagitan ng mass testing at epektibong contact tracing.

“Imbes na pagbawalan natin ang mga unvaccinated na lumabas at maghanapbuhay, mas maganda na gawin nating libre at accessible ang antigen test. At kapag positive ang isang natest, libre din ang isasagawang confirmatory RT-PCR test. Kailangan natin palakasin ang mass testing natin sa halip na i-discriminate ang mga hindi pa bakunado,” idiniin ng Pambansang Kamao, na tumatakbo bilang pangulo sa ilalim ng partidong PROMDI.

Sinabi rin ni Pacquiao na ang stratehiya na kanyang iminumungkahi kapalit ng of the unvaccinated restriction policy ay bibigyang-daan ang mga awtoridad na maayos na ihiwalay at i-isolate ang mga may sakit nang hindi na kinakailangan pang bawasan ang mga karapatan ng mga hindi bakunado.

Bukod dito, tinukoy din ng senador na mabibigyan ang pamahalaan ng pinakamainam na pamamaraan para rumesponde sa pandemya nang hindi kailangan pang magpatupad ng mga heightened alert level at community lockdown.

“Antigen testing facilities should be established in every barangay, health center, mall, and workplace. Bagama’t totoong mas mataas ang peligro ng mga hindi bakunado, hindi ito batayan para tratuhin sila na parang may mga nagawang paglabag sa batas lalo’t tama naman ang obserbasyon na pareho pa rin namang nagkakasakit at nakakahawa ang mga bakunado at hindi bakunado,” aniya.

Sa huli, nagpahayag ng pagtataka si Pacquiao kung bakit makaraan ng mahigit dalawang taon ng Covid-19 pandemic, ang gobyerno ay hindi pa nakakapaglikha ng isang universal at integrated contact tracing system.

“Bakit hindi na lang Staysafe ang gamitin? Bakit hindi ayusin ng DICT (Department of Information and Communications Technology) iyong app para magkaroon tayo ng central database? Puwede ngang ayusin pa ito para automatic na makakatanggap ka ng message kapag meron kang close contacts (na) Covid-positive at bigyan ka ng impormasyon kung ano ang iyong dapat gawin,” pagtatapos nito. (ai/mtvn)

Leave a Reply