Mga dapat malaman sa No Vax, No ride policy ng DOTr

Mga dapat malaman sa No Vax, No ride policy ng DOTr

Ipatutupad ng DoTR ang polisiya na bawal ang hindi bakunado na makasakay sa mga public transport. Maraming hindi pabor dito dahil ito raw ay isang pag-diskrimina sa mga hindi bakunado. Pabor naman dito ang ilang health experts — na para na rin daw sa kaligtasan ng hindi bakunado.

Sa amin sa Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) ay hinihikayat natin ang lahat na magpabakuna para sa kanilang proteksyon laban sa Covid at ano mang mutation nito. Pero sinusuri din namin ang polisiya kung ito ba ay maipatutupad ng maayos at hindi magdudulot lamang ng kalituhan.

Ang mismong polisiya ay hindi absolute – may mga exemptions sa “No vax, no-ride policy.”

Halimbawa – exempted ang mga tao na hindi bakunado dahil sa medical reasons. May mga tao kasi na hindi pwede bakunahan dahil sa health or medical condition. Kailangan nila makapagpakita ng medical certificate.

Pero ang pangalawang exemption ang mas malawak – pwede pa rin makasakay sa public transport ang hindi bakunado kung ang byahe niya ay bibili ng nga essential na bagay tulad ng pagkain o gamot. Kailangan ang barangay certificate para may pagpapatunay nito.

Heto ang dapat na alam ng mga driver, kundoktor o enforcer – na kung wala syang vaccine card at bibili ng gamot ay pwede sa public transport.

Ang panawagan natin sa mga barangay officials ay maging patas tungkol dito.

May mga tanong din kung pwede na ang screenshot ng picture ng vaccine card ang ipakita.

May agam-agam rin kami sa parusang ipapataw sa mga operator at driver na lalabag dito – maari daw matanggal ang prangkisa. Aba’y hinay-hinay naman po. Libu-libo ang pasahero at baba’t sakay ang mga ito. Meron at meron na makalulusot dyan na walang dalang vaccine card kahit panay ang paalala ng mga driver. Kung mahulihan ito ng minsan, tanggal prangkisa ba agad? Aba’y konti na nga ang masasakyan ngayon mababawasan pa! Maghahari ang colorum sa ganitong sitwasyon!

Nais ng lahat na maging ligtas ang mga pasahero sa kanilang paglalakbay. Sa dami ng gustong ipatupad ng DOTr – 70-percent passenger capacity; face mask at iba pang health protocols; at ngayon naman ay pagpapakita ng vaccination card ay baka yung availability ng masasakyan naman ang nakakaligtaan.

Mas magiging ligtas ang mga pasahero kung sapat ang masasakyan at hindi sila mahihirapan sa pagsakay. (ai/mtvn)

Leave a Reply