Pacquiao: Kailangan palawakin ang info campaign para paigtingin ang bakunahan

Pacquiao: Kailangan palawakin ang info campaign para paigtingin ang bakunahan

MANILA — Alinsunod sa plano ng gobyerno na mabakunahan ang 77 milyong Pilipino laban sa coronavirus bago ang eleksyon sa Mayo, nananawagan si PROMDI presidential aspirant Manny Pacquiao sa mga awtoridad na magsagawa ng inisyatibo para sa malawak na information drive upang mapalakas at mapaigting ang national vaccination program at mabawasan ang sinasabing vaccine hesitancy ng ilang sektor ng populasyon.

Sa isang pahayag, sinabi ni Pacquiao na lumilitaw na maraming sa ating mamamayan ang hindi pa rin nakakaunawa sa halaga ng pagbabakuna laban sa Covid-19 at mayroon pang iba na naniniwala na ang viral disease ay sa katunayan ay trangkaso lamang o ordinaryong sipon na pinalalabas ng ilang mga ospital bilang Covid infection sanhi ng severe acute respiratory syndrome-coronavirus 2 o SARS-CoV-2.

“Marami pa sa ating mga kababayan ang naniniwala na iyong ibang kaso na sinasabing Covid ay trangkaso lang kaya hindi sila naniniwala na kailangang magpabakuna, bukod pa ito sa paniniwalang maaaring makasama ang bakuna dahil sa mga side-effect nito o kaya ay hindi ito epektibo laban sa sakit,” pinunto ng Pambansang Kamao.

“Kulang pa ang information drive at ang nangyayari nga ay nadadaig pa ng ‘fake’ news iyong datos na lumalabas ukol sa benepisyo ng bakuna laban sa Covid-19,” dagdag nito.

Bago rito, hinayag ni acting presidential spokesman at Cabinet secretary Karlo Alexei Nograles na layunin ng mga awtoridad na kumpletuhin ang national vaccination program na planong bakunahan ang hindi bababa sa 80 porsyento ng ating populasyon habang isinusulong din na bakunahan pa ang lahat ng botante bilang karagdagang proteksyon laban sa malalang kaso ng Covid-19, particular na dahil sa presensya ng mas nakakahawang Omicron variant ng SARS-Cov-2.

“Before April or even May, we want our adult population to be fully vaccinated. That way, it would be an additional protection for voters,” wika ni Nograles sa Palace press briefing nitong nakaraang Martes.

Bukod sa pagpapabakuna, idinagdag ng kalihim na kailangang sumunod ang mga botante sa mga health safety protocol laban sa Covid-19 habang naroroon sa mga presinto pagbobothan. Nilinaw din niya na nasa Commission on Elections (Comelec) na ang pagtitiyak na sumusunod ang publiko sa mga alituntunin.

Sa ngayon umabot na sa 55.19 milyon and fully vaccinated na mga Pinoy at sa nabanggit na bilang, 10.69 milyong indibiduwal ay mula sa Kalakhang Maynila habang 8.33 milyon ang mula sa kalapit na Calabarzon (Cavite-Laguna-Batangas-Rizal-Quezon) area. (ai/mtvn)

Leave a Reply