Pacquiao nanawagan sa pagpapalakas ng sektor ng agrikultura sa huling mga buwan ng administrasyong Duterte

Pacquiao nanawagan sa pagpapalakas ng sektor ng agrikultura sa huling mga buwan ng administrasyong Duterte

Makikita sa larawan ang isang magsasaka habang nagpupunla ng palay para sa masaganang ani. (Larawan mula sa Far Eastern Agriculture)

Ni Tracy Cabrera

MANILA — Matapos kuwestyonin ang desisyon ng Kagawaran ng Agrikultura ukol sa pag-angkat ng 60,000 metriko toneladang galunggong bilang kasagutan sa sinasabing kakulangan ng isda, nanawagan naman ngayon sa pamahalaan si Senator at PROMDI presidential aspirant Manny Pacquiao na palakasin ang sektor ng agrikultura ng bansa dahil ang paglago nito ay siyang susi sa pagtiyak na ang Pilipinas ay maaaring isustena ang naitalang high economic growth levels sa kasalukuyang taon.

Sen. and presidential aspirant Manny Pacquiao

Kasunod ito ng forecast na inilabas ng International Monetary Fund (IMF) na magkakaroon ng “economic turbulence” sa mga emerging economy tulad ng Pilipinas sanhi ng Omicron coronavirus variant surge at mga kaganapan sa Estados Unidos na nagpabago sa kanilang monetary policy.

Ayon sa mga ekonomista ng IMF na Sina Stephan Danninger, Kenneth Kang at Helene Poirson, kailangang tumugon ang mga policymaker sa pamamagitan ng mga multiple policy lever na nakadipende sa magiging aksyon ng US Federal Reserve System, at gayun din sa mga hamon sa kani-kanilang bansa.

“While the global recovery is projected to continue this year and next, risks to growth remain elevated by the stubbornly resurgent pandemic. Given the risk that this could coincide with faster Fed tightening, emerging economies should prepare for potential bouts of economic turbulence,” babala ng IMF.

Bilang reaksyon sa IMF forecast, pinunto ng mga economic adviser ni Pacquiao sa Pambansang Kamao ang kahalagahan ng malakas na sektor ng agrikultura kaya ito ang nagbunsod kay Pacquiao na hilingin sa administrasyong Duterte na palawigin pa ang pamumuhunan sa agrikultura dahil ito ang magdidikta sa general inflation at mga wage pressure dito sa ating bansa.

Nagpahayag pa si Pacquiao ng suporta at sumang-ayon din sa pagpapabilis sa rollout ng Rice Competitiveness Enhancement Fund, pagpapalawig ng biosafety sa mga produktong agrikultural, pagpapatupad ng rice farmers’ financial assistance program at pagsisimula ng subsidy program para sa mga organic fertilizer na itinuturing na mga mahahalagang bahagi sa mga agenda item na kailangang talakayin ng Kongreso sa mga huling buwan ng administrasyong Duterte.

Sinang-ayunan din niya ang mga reporma sa polisiya na magreresulta sa modernisasyon ng mga sakahan at palaisdaan, sustenableng kahuyan at kagubatan at pagbaba ng presyo ng mga abono at pakain sa mga alagang hayop.

“Mahalaga na mapalakas at mapaunlad natin ang ating agrikultura dahil dito rin nakasalalay ang ating kinabukasan. “Kung nais nating umasenso at maging isang maunlad na ekonomiya, kailangan nating suportahan ang sektor ng agrikultura upang hindi na tayo didepende sa importasyon at mapapataas natin ang lokal na produksyon para tayo na mismo ang mag-e-export ng ating mga produktong agrikultura,” ani Pacquiao. (ai/mtvn)

Leave a Reply