Pacquiao inis sa kapabayaan ng gobyerno sa ‘pagnanakaw’ ng China mga isda ng ‘Pinas

Pacquiao inis sa kapabayaan ng gobyerno sa ‘pagnanakaw’ ng China mga isda ng ‘Pinas

File photo ni incumbent senator at 2022 presidential aspirant Manny Pacquiao nang dumalaw sa Sarangani Para mamahagi ng tulong sa mamamayan ng lakawigan. (Larawan mula sa Boxing Scene)

MAITUM, SARANGANI — Muling binigyan diin ni Senator at presidential aspirant Manny Pacquiao na dapat exporter ang Pilipinas at hindi importer ng isda bilang buwelta niya sa kagawaran ng agrikultura sa desisyon nitong mag-angkat ng isda sa labas ng bansa.

Kinantiyawan din ng PROMDI standard-bearer ang pamahalaang Duterte sa kakulangan nito ng inisyatiba na tuligsain ang panghihimasok at iligal na pangingisda ng mga Chinese fishing vessels sa karagatan ng ‘Pinas partikular na sa exclusive economic zone (EEZ) nito sa West Philippine Sea.

Sa kanyang pakikipag-usap sa daan-daang mangingisda sa bayan ng Maitum sa lalawigang ito, sinabi ni Pacquiao na kung papalarin siyang manalo sa halalan sa Mayo, itutulak niya ang mga repormang politikal na siyang magwawalis sa graft and corruption sa gobyerno, kabilang na ang Department of Agriculture (DA) na lumilitaw ay nakakakita lang ng tinatawag na mga “bandaid” o pansamantalang solution sa kakulangan ng pagkain sa pamamagitan ng importasyon ng mga produktong agrikultural.

Banaag sa mukha ng boxing icon ang pagkamuhi habang nagtatalumpati ito sa mga mangingisda at mamamayan ng Sarangani ukol sa foreign policy relations ng pamahalaan sa ating mga kapitbansa partikular na ang China na regular na “ninanakaw” ang mga isda ng ‘Pinas saka binebenta rin pabalik.

“This is unbelievable. Saan ka naman nakakita ng bansang napapaligiran ng mga dagat pero nag-iimport ng mga produktong galing sa dagat?” inulit ng Pambansang Kamao ang kanyang pagtatanong kasunod ng pahayag ng DA na mag-aangkat ito ng 60,000 metriko toneladang pelagic fish, o galunggong, para matugunan ang sinasabing kakulangan ng isda sa bansa.

“Sobrang kawawa na nga ang ating mga magsasaka dahil sa pagpasok ng napakaraming imported at smuggled na mga bigas at gulay, tapos ngayon naman ang mga mangingisda naman natin ang gustong parusahan,” pagdidiin pa niya.

Binigyang-pansin ng presidential aspirant na ang Pilipinas ay isang kapuluan na napapaligurang ng dagat at itinuturing itong pang-lima sa may pinakamahabang dalampasigan sa mundo, na siyang dahilan para maging perpekto ang ating bansa sa fishing at aquatic farming subalit naging pabaya ang pamahalaan na pakinabangan ang potensyal ng yamang-dagat at agrikultura.

“Dapat tayo ang nag-e-export ng mga isda lalung-lalong na iyang mga isdang gaya ng galunggong at mackerel dahil marami n’yan sa Pilipinas. Paano nangyari na tayo ngayon ang nag-iimport samantalang napakaraming Pilipino ang mangingisda?” muli pang tanong ni Pacquiao para bigyan diin ang kanyang punto.

Sa pagtatapos, nangako ang dating kinatawan at mambabatas ng Sarangani na magbigay ng suporta para palakasin at patatagin ang sektor ng agrikultura at gayun din ang daan-dang libong mangingisda sa buong kapuluan upang pareho nilang makamit ang kakayahang maibigay sa ating bansa ang seguridad sa pagkain.

(ai/mtvn)

Leave a Reply