Eleazar hiniling na lutasin ang problema sa remittances ng mga OFW sa Ukraine

Eleazar hiniling na lutasin ang problema sa remittances ng mga OFW sa Ukraine

Isang malaking rally sa Ukraine kontra sa panghihimasok ng Russia. (Photo: iNews)

Ni Tracy Cabrera

MANILA — Pinaaaksyunan sa pamahalaan ni Partido Reporma senatorial candidate at dating Philippine National Police (PNP) chief Gen. Guillermo Eleazar ang problema sa pagpapadala ng remittances ng mga Overseas Filipinos Worker (OFW) na nasa Russia at gayun din sa Ukraine.

Ayon kay Eleazar, posible umanong naaapektuhan na ng giyera ang pagpapadala ng pera ng mga OFW na nag-ugat sa ipinapataw na mga bank sanctions sa ngayon ng Russia sanhi ng pag-atake ng huli sa dating kaalyado noong sa ilalim ng Union of Soviet Socialist Republics (USSR).

May mga ulat nang lumabas na nahihirapan ang ating mga kababayan na mag-remit ng pera para sa kanilang mga pamilya sa Pilipinas.

Pinunto ni Eleazar na dapat pamunuan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang pagtugon sa mga problemang kinakaharap ng mga OFW at iba pang Pilipino na nasa Russia at Ukraine.

“Based sa latest data na ating nakita ay may mahigit 10,000 mga Pilipino sa Russia na ang ibig sabihin ay mahigit 10,000 ding pamilya dito sa Pilipinas ang maapektuhan dahil sa mga sanctions na ipinapatupad laban sa Russia kabilang ang sanction sa mga banko,” ani Eleazar.

“Sa nangyayari ngayon sa Europe kung saan determinado ang maraming bansa na magpataw ng sanctions sa Russia, asahan natin na magtatagal ito kaya ngayon pa lamang ay dapat pinag-aaralan at nilalatagan na ng ating pamahalaan ang mga problema that should arise from this situation,” dagdag ng retiradong heneral.

Sinabi pa nito na dapat aniyang makipag-ugnayan ang OWWA at POEA sa mga pamilya ng mga OFW sa dalawang bansa para alamin kung nakatatanggap sila ng mga padala at tumulong kung kinakailangan para maresolba ito.

Bago rito, inihayag ng Philippine Embassy sa Moscow na saklaw ng sanctions laban sa Russia ang iba-ibang banko sa Ukraine, kabilang ang Central Bank, VTB, and Sverbank.

Inanunsyo ng embahada na sinusubukan nang maibsan ng VTB ang epekto ng mga sanction sa mga kliyente nito, lalo na sa pag-withdraw ng pera at pagpapadala ng remittance.

Kaugnay nito, nanawagan din si Eleazar sa mga opisyal ng Pilipinas sa Russia na patuloy na tulungan ang mga Pilipino doon at unahin ang kaligtasan ng mga ito sa gitna ng nagaganap na labanan. (ai/mtvn)

Leave a Reply