PNP Covid-free na, active cases 12 na lang

PNP Covid-free na, active cases 12 na lang

Ni Arwen Pascua

MANILA — Wala nang bagong infected na pulis ng Covid-19 ngayong Linggo (06 March 2022) habang ang active cases sa hanay ng mga kapulisan ay nasa 12 na lamang sa ngayon ayon sa Philippine National Police -Health Service (PNP-HS).
Batay sa pinakahuling datos, walang naitalang dinapuan ng sakit habang wala ring new recoveries.

Hanggang ngayong araw, Marso 6 (Linggo), ang kabuuang kaso ng coronavirus disease sa police organization ay 48,824 habang ang mga nakarekober ay 48,684.

Nananatili naman sa 128 ang nasawi sa sakit na ang unang fatalities ay naiulat noong Abril 2020 habang ang huli ay nitong Pebrero 1, 2022.

Pumalo naman sa 128,037 ang mga pulis na tumanggap ng booster shot; 220,253 ang fully vaccinated; 3,559 ang naghihintay ng ikalawang dose at 672 pulis pa ang hindi nababakunahan kasama na ang 323 na mayroong medical condition.

Umaasa naman ang liderato ng PNP, na sa laki ng bilang ng bakunadong pulis kasama na ang mahigit 50% na boosted kontra COVID-19 ay tiyak na ang kaligtasan sa organisasyon.

Gayunman, pinayuhan pa rin ni PNP Chief, Gen. Dionardo Carlos ang buong organisasyon na mag-ingat, hindi lang sa COVID-19 kundi sa lahat ng uri ng sakit. (ai/mtvn)

Leave a Reply