Pacquiao hinimok ang Comelec na huwag magbigay ng paunang mga katanungan sa F2F debates

Pacquiao hinimok ang Comelec na huwag magbigay ng paunang mga katanungan sa F2F debates

Si incumbent senator at PROMDI presidential aspirant Manny Pacquiao kasama si Navotas mayor Toby Tiangco at ang kanyang senatorial candidate na si Lutz Barbo, dating gobernador ng Eastern Samar.

Texto at larawan ni Tracy Cabrera

MANILA — Hiniling ni PROMDI presidential candidate Sen. Manny Pacquiao sa Commission on Elections (Comelec) na kung maaari ay huwag magbigay ng mga paunang topic at katanungan sa mga kandidato sa susunod na mga face-to-face debate.

Ayon sa Pambansang Kamao, ang mga pagdedebate ay isasagawa upang mabigyan ang mamamayan at mga botante ng pagkakataon at impormasyon para makapamili ng kanilang iboboto at malaman din ang kalidad ng pamumuno at estilo ng pamamahala ang tinatangkilik ng mga kandidato.

Pinaalalahanan ni Pacquiao ang Comelec na ang mandato nito ay hindi lamang para pangasiwaan at tiyakin ang maayos at malinis na eleksyon kundi makapagbigay din sa mga botante ng paraan para makagawa ng wastong desisyon.

Sinabi pa ng senador na ang mga kandidatong umiiwas sa mga public debate at tumatanggi na masailalim sa pagsusuri’t pagsisiyasat ng publiko ay lumilitaw na walang kahandaan para pamunuan ang bansa.

“Tumatakbo kang Presidente tapos hihingin mo iyong mga tanong? Kailangan ready ka sa mga tanong kasi tumatakbo kang pangulo ng Pilipinas. Dapat hindi ka mapili sa tanong kasi kapag tumatakbo kang pangulo ng Pilipinas, as much as possible, lahat ng tanong puwede itanong sa iyo dahil ikaw ay nag-a-apply na maging lider ng bansa. Kailangan open ka sa lahat ng mga tanong, hindi iyong pipiliin mo iyong mga tanong,” wika ni Pacquiao nang dumalaw siyasa Pangasinan.

“Tumatakbo kang Presidente dapat handa kang harapin iyong mga tanong na maaring ibabato sa iyo. Handa kang sagutin hindi iyong aalamin mo iyong mga questions. Mahirap iyan,” aniya pa.

Dinagdag pa ng People’s Champ na mas mainam kung hindi magbibigay ang Comelec ng paunang mga katanungan para paghandaan ng mga kandidato dahil mahalagang walang bahid ng anumang negatibo ang mag-debate upang makita ang sensiridad at integridad ng mga tumatakbo.
Nang tanungin ukol sa sinasabing ‘pre-condition’ ng ilang kandidato na ipaalam sa kanila ang mga katanungan at topic na ibabato sa kanila bago lumahok sa mga face-to-face debates, ito ang naging reaksyon ni Pacquiao:

“Siguro para hindi sila magkamali at mapag-aralan nila ang mga sagot nila. Pero mas maganda on-the-spot ang tanong para mabigla. Makikita mo iyong purity kung anong nilalaman ng kanilang puso, kung tunay ba o hindi ‘di ba?” aniya.

“Ako nga di naman ako nanghihingi ng mga advance questions eh. Ready naman ako pero may mga ganun diba? Dapat walang hingian. Surprise kung surprise,” sabi pa ng Pambansang Kamao.

Pinunto ni Pacquiao hindi dapat ipagkatiwala ng mamamayan ang kinabukasan ng bansa at sambayanan sa mga kandidatong ayaw umano lumahok sa simpleng pagdedebate dahil tiyak na hindi nila aakuhin ang responsilidad sa kanila mga ginagawa o gagawin.

Ang mga kandidatong kanyang tinutukoy ay wala ding intensyon na magsilbi sa publiko at tanging kasakiman lang sa yaman at kapangyarihan ang inaasam ng mga ito.

“Debate palang natatakot na. Paano kapag nanalo ka na? Natatakot baka magnakaw naman ng pera ng gobyerno ‘di ba? Pero karapatan naman nila ‘yan na hindi mag-attend ng debate pero ang taongbayan kasi gusto nilang malaman iyong plataporma mo, iyong plano mo sa kanila, plano mo sa taongbayan, plano mo sa bansa para sa kinabukasan,” ani Pacquiao.

“At the end of the day kung failure ang administration niya tapos maghanap ka ng accomplishments sabihin niya bakit nangako ba ako sa inyo? ‘Pag sa debate nangako ka ng pagbabago at di mo natupad puwede mo balikan, puwede mong isumbat,” aniya.

Ayon pa sa dating kinatawan ng Sarangani, mas madali ngayon para sa taongbayan na humiling ng performance audit dahil lahat ng pinapangako ng mga opisyal ng pamahalaan ay may digital recording na madaling ma-access ng publiko.

“Naka record lahat ang interview ngayon so kahit umabot pa ng 10 taon eh nanjan pa rin,” idiniin ni Pacquiao. (ai/mtvn)

Leave a Reply